LEYTE – TINATAYANG aabot sa bilyong piso ang naging danyos na mga paninda bukod pa sa mga estruktura sa naganap na mahigit anim na oras na sunog na tumupok sa isang mall sa Tacloban City.
Sa clearing operation ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 28 commercial stalls ang nasunog bukod pa sa dalawang sinehan at department store na nilamon ng apoy matapos masunog ang isang sangay ng Robinson Mall sa Barangay Marasbaras sa Tacloban City.
Ayon sa BFP arson investigators, nagsimula ang sunog dakong alas-5:46 ng hapon na tumagal ng halos anim na oras at idineklarang fire under control kahapon ng madaling araw.
Sa impormasyong ibinahagi sa media ni F/Senior Superintendent Renato Marcial, regional director ng BFP Region 8, umabot sa Task Force Alpha ang sunog.
Mahigit 30 fire trucks na ng BFP mula sa mga kalapit na munisipyo at mga fire volunteer ang nagtulong-tulong para maapula ang sunog.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng sunog ay faulty electrical wiring kasunod ng mga inisyal na ulat na may kinalaman daw sa short circuit ang pinag-ugatan ng apoy.
Nabatid pa na nagsimula ang sunog sa kusina ng isang restaurant sa first floor ng nasabing mall.
Nahirapan umano ang mga pamatay sunog na apulain ang apoy kaya tumagal ng ilang oras ang sunog ay dahil mistulang zero visibility sa area sa kapal ng maitim na usok na lumalabas sa paligid.
Patuloy namang iniimbestigahan pa ng BFP ang kabuuang halaga ng danyos na iniwan ng naturang sunog. VERLIN RUIZ
Comments are closed.