MALL SALES PUWEDE NA PARA MAPASIGLA ANG EKONOMIYA

MALL SALE

PAPAYAGAN na ang mga business establishment at mall na magsagawa ng sales at iba pang marketing events upang mapalakas ang consumer spending sa gitna ng COVID-19 crisis.

Ito ang napagkasunduan sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF) noong Biyernes upang talakayin ang mga paraan para lalo pang buksan ang ekonomiya.

“Ang mga establishments at mga malls may hold activities para magkaroon ng economic o business activity, ito po ‘yung mga sales, pero subject po ito sa DTI [Department of Trade and Industry] guidelines in the operation of malls and shopping malls,” pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa Laging Handa briefing.

Magugunitang ipinagbawal ng gobyerno ang marketing events at iba pang  promotions sa malls, na may posibilidad na dagsain ng mga tao, para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi pa ni Roque na pinayagan ng  IATF ang Department of Trade and Industry (DTI) na i-adjust ang permissible on-site operational capacities ng lahat ng business establishments at/o activities sa ilalim ng general community quarantine o mas maluwag dito.

Samantala, hinikayat  ng task force ang mga lokal  na pamahalaan na i-exempt ang mga manggagawa, authorized persons outside their homes at mga kinakailangang establisimiyento sa curfew hours.

Ayon kay Roque, sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre karaniwang kumikita nang malaki ang mga establisimiyento.

“Inaasahan po natin na magbubukas tayo nang sapat para magkaroon po ng maximum opportunity ang merkado na makabawi,” ani Roque.

“Sana po itong October, November, December we can somehow catch up nang hindi naman po ganoon kalaki ang maging contraction ng ating ekonomiya,” dagdag pa niya.

Comments are closed.