MALLS SA CAVITE BUKAS NA ULIT

GOV REMULLA-2

PINAYAGAN nang magbukas ulit ang mga mall sa Cavite simula ngayon (Mayo 20), isang araw makaraang pulungin ni Governor Jonvic Remulla ang mga mall owner at talakayin ang mga bagong panuntunan.

Sa kanyang post sa Facebook, sinabi ni Remulla na ang mall operations ay mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para sa local customers lamang.

Ayon kay Remulla, ipatutupad sa mga mall ang ‘no quarantine pass, no entry’ policy.

Lilimitahan din, aniya, ang mga papapasukin sa groceries at supermarkets.

“One customer out, one customer in. Hindi ninyo karapatan ang oras na ito. Ito ay pribilehiyo para sa inyong ikabubuti. Huwag abusuhin at marami pang ibang customer na kailangan bumili,” anang gobernador.

“Frontliners priority lane will continue. You are our heroes. You are welcome in any mall anywhere,” dagdag pa niya.

Noong Lunes ay iniutos ni Remulla ang pansamantalang pagpapasara sa lahat ng shopping malls sa lalawigan, na nasa ilalim ng  general community quarantine, dahil sa paglabag sa social distancing guidelines.

Comments are closed.