HINIMOK ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kamakailan ang mga may-ari ng malls na isara ang kanilang mga pasukan ng sasakyan na nasa bahagi ng EDSA para gumaan ang trapiko sa pagiging busy ngayong Kapaskuhan.
“Nakikiusap po kami na sana naman tulungan kami ng mall operators na i-manage na rin ‘yung traffic sa loob nila at sana hindi na hintayin ang paki-usap namin na isarado,” pahayag ni MMDA traffic Chief Bong Nebrija sa isang panayam.
“Kung puno na po sila sa loob isarado na po nila ‘yung papasok sa kanila, para po hindi tutukod sa main thoroughfares natin, lalong-lalo na po sa EDSA.”
Mayroong halos 17 malls ang nasa EDSA, na nagsisimula sa Caloocan City hanggang Pasay City, sabi ng MMDA. Ang pasukan patungong malls ay matagal nang nagiging sanhi ng pagkakabuhol-buhol ng trapiko, dagdag pa nila.
Nauna nang nagsuhestiyo ang MMDA na magsimula ng kanilang mall hours ng 11AM at ang delivery ay gawing 11PM hanggang 5AM para “mabawasan ang dami ng delivery trucks.”