Noong September, 1898, isinagawa ang Malolos Congress. Ito ang kauna-unahang legislature task na isinagawa sa Pilipinas, kung saan binalangkas ang unang Konstitusyon.
Isinagawa ito sa mismong loob ng Barasoain Church sa Malolos, Bulacan kaya nga tinawag itong Malolos Congress.
Incidentally, September 16, 1991 naman ang araw na nagkaisa ang mga senador ng Pilipinas na balewalain ang Treaty of Friendship, Cooperation and Security na magpapalawig pa sa pananatili ng United States military bases sa Pilipinas. Ngunit hindi natin ito tatalakayin sa ngayon, at sa halip ay bubusisiin natin ang Malolos Congress, na tinatawag ring Revolutionary Congress at sa pormal na pagkilala ay National Assembly.
Ito ang legislative body ng Revolutionary Government ng Pilipinas. Piling pili ang mga dumalo dito, kung saan nagkaroon pa ng eleksyon noong June 23 hanggang September 10, 1898. Bingo ang assembly ng mga nahalal na delegado na ibinoto gamit ang balota ng provincial assemblies at mga appointed delegates na pinili mismo ng unang pangulo ng bansa na si Emilio Aguinaldo, upang kumatawan sa mga rehiyong sumasailalim pa sa magulong kundisyong pinamumumuan ng militar at sibilyan.
Sinimulan nga ang Revolutionary Congress noong September 15, 1898 sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan. Mismong si President Aguinaldo ang namuno sa opening session ng assembly.
Matapos ang promulgasyon ng Malolos Constitution noong January 22, 1899, pinalitan agad ang revolutionary government ng Philippine Republic. Ang Malolos Congress ang naging legislative branch ng nasabing pamahalaan, na ayon sa konstitusyon ay Assembly of Representatives.
Sa gitna ng Philippine nationalism at nation-building sa pagtatapos ng 19th Century, nailahad ang pagsasarili ng Pilipinas.
Sa ngayon, napakahalaga ng Malolos sa kasaysayan ng bansa, dahil dito nga ginanap ang 1898 constitutional convention at dito rin itinatag ang kauna-unahang Republika ng Pilipinas. Mahalaga rin ang Barasoain Church, dahil ipinahihiwatig nitong sa kabila ng pag-aaklas ng mga Filipino laban sa mga Kastila, napaka-ironic na ginawa nila ito sa loob ng simbahan, na sumisimbulo ng ating kahinaan, dahil nasakop nila ang ating spiritual na paniniwala.
Gayunman, hudyat pa rin ito ng paglaya, at least, sa paninikil at pagkadupiling.
Dalawa ang napakahalagang achievements ng Malolos Congress. Una, ang Ratipikasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas (Ratification of the Philippines’ Independence Day) na ginanap sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898; at ikalawa, ang pagpapasa ng batas kung saan pinapayagan ang Pilipinas na mangutang sa mga bangko para gamitin sa mga gastusin sa bansa.
Nangutang tayo noon ng 20 million pesos, na babayaran sa loob ng 40 taon, na may taunang interes na six percent.
Ngayong 2024, ang utang ng Pilipinas base sa kwenta noong katapusan ng June 2024 ay umabot na sa P15.48 trillion, tumaas ng 9.4% kumpara sa P14.15 trillion na utang noong isang taon.
Kayo na ang kumwenta kung magkano ang sovereign debt ng bawat Filipino, sa kasalukuyang populasyong 119,106,224.
JAYZL VILLAFANIA NEBRE