(ni KAT MONDRES )
MADISKARTE tayong mga Pinoy, kaya naman kung ano-anong pagkain ang ating nadidiskubre. Hindi nga naman maitatangging masarap kumain ang mga Filipino kaya’t masarap din tayong magluto.
Sa pagdaan ng mga panahon, iba-ibang recipe ang lumalabas na tinatangkilik ng bawat makatitikim. At isa nga sa nagsipaglabasan o kilalang-kilala ngayon na ginagamit hindi lamang sa mga inumin kundi sa pagkain ang malunggay.
Pansinin na lang natin, may mga nadidiskubre nang tinapay na gawa sa malunggay. Mayroon ding malunggay shake, malunggay coffee at ang malunggay pancake.
Sa Filipinas, ang malunggay o tinatawag na moringa ay kilala ring Miracle Tree o wonder gulay dahil sa benepisyong dulot nito—mula sa dahon, prutas at ugat.
Ayon sa isang pananaliksik, ang malunggay ay mayaman sa iba’t ibang bitamina gaya ng Vitamin C, Calcium at Vitamin A.
Mayroon din itong beta carotene tulad ng carrots. Ito ay masagana sa omega-3 oils at chlorophyll, antioxidant properties at anti-inflammatory properties.
Nakagagaling ng sakit ang malunggay. Pinapababa nito ang cholesterol at triglycerides, control blood sugar, anti-aging at anti-inflammatory sa ka
-tawan.
Hindi lamang sa Filipinas may malunggay. Ito rin ay makikita sa Gitna at Timog na bahagi ng Amerika, Mexico, Malaysia, India, Sri Lanka at Africa.
Dito sa Pinas, ang malunggay ay itinatanim mula buwan ng Hunyo hanggang Agosto. Ito ay namumunga anim hanggang walong buwan pagkatapos itanim. Pinararami ito sa pamamagitan ng binhi.
Gaya ng ibang tanim, gustong-gusto rin ng malunggay ang init mula sa araw at ayaw nito ang malalamig na panahon.
Madalas gamitin ang malunggay sa iba’t ibang lutuin gaya ng tinola o kaya naman ay ginisang monggo. Puwede rin isama sa sinabawang isda ang malunggay.
Ginagamit din itong herbal medicine. Ang isang tasang dahon ng malunggay sa araw-araw ay nakatutulong upang mapunan ang mga bitaminang kailangan ng katawan.
Kung constipated naman, puwedeng-puwede ring kumain ng 1 hanggang 2 tasa ng dahon ng malunggay sa gabi upang maging normal ang pagdumi.
Samantalang sa may mga sugat, swak namang itapal ang dinurog na dahon ng malunggay .
Dahil isa ang malunggay sa may maraming benepisyo sa katawan, maaari rin itong gawing pancake.
Kaya naman sa mga nag-iisip ng panibagong recipe na puwedeng ihanda sa buong pamilya, bakit hindi ninyo subukan ang malunggay pancake.
MALUNGGAY PANCAKE
Ang mga sangkap na kakailanganin natin sa pagluluto ng malunggay pancake ay ang 1 pakete ng Complete Hotcake Mix 200g, 1/2 baso ng tinadtad na dahon ng malunggay, 1 katamtamang laki ng itlog at vanilla extract.
Puwede rin namang wala ng itlog at vanilla extract.
Kompleto na rin kasi ang hotcake mix kaya’t kahit tubig lang ang idagdag, swak na swak na itong lutuin at ihanda sa pamilya.
Kumbaga, ang pagdadagdag ng sangkap ay depende rin sa budget.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Sa isang malaking bowl, ihanda ang hotcake mix ng naaayon sa pagluto nito na makikita sa likurang bahagi ng kahon.
Idagdag ang tinadtad na dahon ng malunggay sa hotcake mix. Samahan na rin ng isang itlog at vanilla extract. Haluin. Kapag nahalo na ay puwede na itong lutuin.
Para rin sumarap, puwede rin itong samahan ng saging. O kaya naman, lagyan sa ibabaw ng pancake syrup.
Diskarte ang kailangan nang makapagluto ng masarap sa pamilya sa abot-kayang halaga. (photos mula sa tripadvisor.com.ph, ahealthyleaf.co, mingafoods.com)
Comments are closed.