MALUSOG NA KATAWAN AT ISIPAN PAANO NGA BA MAPANANATILI?

MALUSOG NA KATAWAN

(Ni CT SARIGUMBA)

SA SAMU’T sa­ring problemang kinahaharap natin sa panahon nga­yon, importanteng napananatili nating malusog ang ating pangangatawan.

Pero hindi lamang malusog na katawan ang kailangan nating mapa­natili kundi maging ang kalusugang pangkaisipan. At sa usapang kalusugan, narito ang ilang simpleng tips na maa­aring subukan:

LUMABAS KASAMA ANG PAMILYA AT KAIBIGAN

Kung tungkol nga naman sa kalusugan o kung paano mapananatiling malusog ang pangangatawan, laging nangunguna sa ating listahan ang pagkain ng masustansiya, tamang pahinga, pag-eehersisyo, gayundin ang pag-inom ng maraming tubig nang maging hydrated ang katawan.

Bukod sa mga nabanggit, importante ring nakapaglalaan tayo ng panahong lumabas kasama ang pamilya at mga kaibigan upang mapanatili nating malusog ang ating katawan, gayundin ng ating isipan.

Maiiwasan din ang stress kung naglalaan tayo ng panahong makasama ang ating mahal sa buhay o mga taong mahalaga sa atin.

Maaari ring subukan ang pamamasyal sa park dahil nakatutulong ito upang mabawasan ang nadaramang stress. Nakapagpapa-improve rin ito ng self-esteem.

MAG-UNPLUG O IPAHINGA ANG SARILI SA PAGGAMIT NG GADGET

Mahirap o imposible para sa marami sa atin ang mag-unplug o ang itago ang cellphone o gadget at huwag muna itong gamitin. Sa panahon nga naman ngayon—bata man o matanda, ay nahihilig sa paggamit ng teknolohiya.

Pero isang paraan upang maging malusog ang katawan at isipan ay sa pamamagitan ng pag-unplug o ang pag-iwas sa paggamit ng smarthphone ilang oras sa isang araw. Nakatataas din kasi ng stress level ang paggamit ng gadget.

May mga research ding lumalabas ang madalas o sobrang paggamit ng social media ay isa sa nagiging dahilan ng poor mental health lalo na sa mga young adult.

Hindi naman sa kailangan nating i-give up ang social media o paggamit ng gadget kundi limitahan lang. Mag-schedule rin ng ilang oras sa isang araw kung kailan hindi gagamit ng gadget.

SUBUKAN ANG MEDITATION AT YOGA PARA MABAWASAN ANG STRESS

Isa rin sa dahilan kaya’t bumabagsak ang ating immune system ay ang stress. Napakarami nga namang dahilan kaya’t nakadarama tayo ng stress.

Gayunpaman, hangga’t maaari ay iwasan ito o matutong i-manage ng maayos.

Nagiging dahilan ng inflammation ang chronic stress. At kapag hindi ito naagapan, maaaring magkaroon ng depression, anxiety o hormonal imbalance ang isang tao.

At dahil hindi nga naman naiiwasan ng marami sa atin ang ma-stress, mag-meditate. Regular na  mag-meditate dahil naka-pagpapa-improve ito ng memory, attention, immune system function, creativity at higit sa lahat, mood.

Puwede ring mag-yoga para ma-relax ang katawan at isipan. Samantalang ang pagyo-yoga naman ay nakatutulong sa overall health. Importante rin ang pagiging aktibo.

Ang pag-eehersisyo rin ay nakatutulong upang mag-boost ang mood at lumakas.

GAWIN ANG MGA BAGAY NA NAKAPAGPAPALIGAYA

Maraming bagay ang nakapagpapaligaya sa atin. Hindi basta-bastang ligaya ang pinag-uusapan natin kundi ang kaligayahan ng ating soul o kaluluwa.

Hindi lamang sa pisngi nakikita ang ngiti kundi nararamdaman din dapat ng puso’t kaluluwa.

Kumbaga, mag­hapon tayong nagtatrabaho para sa mga mahal natin sa buhay, at para naman mabuhayan tayo’t lumakas, mahalaga ring nagagawa natin ang mga bagay na nakapagdudulot ng ibayong kaligayahan sa ating kabuuan. Halimbawa riyan ay kung mahilig kang magbasa, kumanta, manood movie o kaya naman ang mag-travel. Maglaan ka ng panahong gawin iyon sa kabila ng kaabalahan.

Dala ng kaliwa’t kanang obligasyon o responsibilidad, kung minsan ay nakaliligtaan nating ingatan ang ­ating sarili. Napababayaan natin ang ating kalusugan, hindi lamang ng katawan kundi magin ang isipan.

Tandaan natin na kapag healthy ang katawan, healthy rin ang isipan at higit sa lahat, mas magiging maligaya ang pananatili natin sa mundo.

Kaya’t panatilihing malusog na katawan at isipan nang ma-enjoy ang buhay.  (photos mula sa medium.com, inc.com, dir.cat, staff.acu.edu.au)

Comments are closed.