MAMAMARAKA FESTIVAL, PRIDE OF NASUGBU

Mula pa noong panahon ng Martial Law, ipinagdiriwang na ang Mamamaraka Festival sa Nasugbu, Batangas ngunit sa simpleng paraan lamang, at walang specific na araw. Araw ng Linggo ang pamamaraka – na ang ibig sabihin ay pamimili. Sa araw na ito, bumababa sa bayan (Poblacion) ang mga tagabukid upang ibenta ang kanilang ani. Bukas ang Fernandez Castro Street sa Barangay 10 para sa mga bumababang tagabukid upang ilatag ang kanilang paninda.

Linggo ang araw ng pamamaraka dahil ito rin ang araw ng pagsimba. Kadalasan, 4:00 am pa lamang ay nasa bayan na ang mga tagabukid upang dumalo sa 5:00 am mass at sisimulan naman nila ang pagtitinda pagkatapos ng misa. Kadalasang nauubos ang kanilang paninda bago magtanghali. Nagtutungo sila sa Plaza de Roxas upang kumain ng tanghalian, at pagkatapos ay manonood ng sine. Dakong 5:00 pm, uuwi na sila dala ang mga pinami­ling pangangailangan ng pamilya.

Kalaunan, noong 90s, napagpasiyahang mag­ka­­roon ng eksaktong petsa ang mamamaraka at ginawa na rin itong festival, sa March 7-21 tuwing ikalawang taon. Sa nasabing panahon, binibigyan ang karaniwang maninindang ibenta ang kanilang produkto sa plaza habang may mga nagtatanghal gabi-gabi.

Kung tutuusin, hindi malaking  pagdiriwang ang Mamamaraka Festival ngunit dinarayo na rin ito, dahil isa ang Nasugbu sa pinakamalapit na summer playground sa Metro Manila lalo na kung nais nilang magtampisaw sa tubig-dagat.

Kilala rin ang Na­sugbu sa masasarap na pagkain, misteryosong Lumang Simbahan, at sa mga dalampasigang maikukumpara sa mga sikat na beaches sa buong Pilipinas. Isa rin ito sa mga lugar na gustong tirahan ng mga retirado na sa trabaho o bakasyunan kung weekend.

Nasugbu ang pinakamalaking bayan sa Wes­tern Batangas, na may total land area na 27, 851 hectares, at second-largest municipality sa buong pro­binsya ng Batangas. First class municipality ito na moderno na ang pamumuhay.

Ayon sa kasaysayan, ang coastal town ng Na­sugbu, Batangas ay may 1000 populasyon lamang bago dumating ang mga Kastila noong 1521, halos kasabay ng pagdaong nila sa Limasawa Island. Wala pa itong pangalan kaya ang mga Kastila na ang nagpangalan dito. Ayon sa kwento, pinangalanan ang Nasugbu batay sa isang katanungan sa isang babaeng tagaroon na nagkataong nagluluto ng sinaing sa palayok. Itinanong umano ng comandante sa babae kung ano ang pangalan ng kanilang lugar, ngunit dahil wikang Kastila ang ginamit ng comandante, hindi ito naintindihan ng babae. Sa halip, inakala nito kung ano ang kanyang ginagawa. Sumagot ang babae ng: “Nasubo na po iyan, eh, kaya ganyan” (The rice is boiling, that is why). Inulit ito ng comandante. “Nasubo, nasubo’ at sinabi niya ito sa kanyang mga kasama. Muna noon, tinawag na ang nasabing bayan na Nasubo hanggang sa kalaunan ay na­ging Nasugbu.

Kahit mahigit 1000 lamang dati ang populasyon, batay sa 2015 statistics, mayroon nang naninirahan dito na humigit-kumulang sa 132, 404 katao. Noong 1896, may 500 katao ang namatay sa kamay ng mga Kastila nang magdesisyon ang mga kalalakihang sumanib sa rebolusyon. Ang ikinabubuhay nila ay ang pagtatrabaho sa mga haciendero na nagmamay-ari sa buong bayan ng Nasugbu, kung saan ang pinakamayaman ay si Don Pedro Roxas, isa sa mga pinagmulan ni Senator Roxas na asawa ngayon ni Korina Sanchez. Kinamkam umano ng mga Roxas ang bayan kay Isaak, isa sa mga datung nagmula sa dugo ni Rajah Kumintang. Si Isaak umano ay anak ni Laarni sa isang aliping sagigilid. Si Laarni ay kaisa-isang anak na babae ni Rajah Kumintang. Nagdesisyon siya at ang kanyang kasuyo na umalis sa Taal upang mapangalagaan ang pangalan ng Rajah, at nagpasyang magtatag ng sarili nilang tribo mula sa mga tapat na kasamang 15 na pawang nagmula sa mababang uri ng pamumuhay. Si Laarni at ang kanyang asawa ang namuno sa nasabing tribo, na ipinamana nila kay Isaak at sa kanyang asawa sa kanilang katandaan. Ang iba pa nilang mga anak ay namuno naman sa bayan ng Lian na dating bahagi lamang ng Nasugbu, Tuy at Calatagan.

Nang dumating ang mga Americano, doon pa lamang nagsimulang baguhin ang bayan ng Nasugbu. Naging matatag na rin ang mga tao sa paglaban sa kaaway – marahil, dahil sa dugong maharlikang nananalaytay sa kanilang mga ugat na nagmula pa sa kanunu-nunuang si Rajah Kumintang at Datu Balinsusa.

Sa pagtatapos ng ikalawang Digmaang Pandaigdig, bumalik sa normal ang buhay ng mga taga-Nasugbu, ngunit naging mas urbanisado na sila.

Nang itatag ang Martial Law noong 1970s, nagpasya ang mga haciendero na ibenta ang mala­king bahagi ng kanilang lupa sa mga taong nanini­rahan na dito ng 10 taon o mahigit pa. Ito ang naging pundasyong ng sa ngayon ay 42 barangay ng nasabing bayan.

Balikan natin ang Mama­maraka Festival. Dalawang linggo ang event na ito na ginagawa bago mag-Domingo De Las Palmas (Palm Sunday) at magtatapos sa Easter Sunday. Ang Mamaraka Festival ay trade fair kung saan ibinebenta ng mga locals at bisita ang kanilang paninda, anuman ito. Ang karaniwang makikita dito ay locally grown na prutas, gulay, itlog na maalat, home-made peanut butter, at handicrafts–na lahat ay gawa ng mga Nasugbuenos. Ito ang paraan ng mga Nasugbuenos upang hikayatin ang lahat na bumili ng gawang Filipino.

Masasabing ang Na­sugbu, Batangas ay hindi lamang karaniwang summer beach retreat. Isa itong lugar na puno ng hiwaga, kasaysayan, alamat, kultura at iba pang aktibidad na wala sa ibang lugar. Gayunman, makikilala mo ang tunay na Nasugbueno kung makakasalamuha mo sila. JAYZL VILLAFANIA NEBRE