MAMASAPANO AT BIRTHDAY NI CORY AQUINO

MASAlamin

KAYA pala minadali ang Mamasapano na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force ay sa dahilang iaalay sana ni Noynoy Aquino ang inakalang magiging matagumpay na misyon sa birth anniversary ng kanyang inang si Cory Aquino, ngunit imbes na tagumpay ang naialay ay ang dugo ng ating magigiting na pulis.

Pattern ‘yan sa estilo ni Noynoy Aquino dahil mala-ganoon din ang nangyari sa Dengvaxia. Dahil sa pagmamadali ni Noynoy, ayun nanga­nganib ang buhay nga­yon ng higit sa 800,000  mga musmos na Filipino.

May pinag-uugatan ito sa katauhan ni Noynoy. Maaaring ang minahal at pinaglagakan ng buhay ng kanyang ama na mga ma-mamayan ang sa tingin niya ay mismong umagaw ng atensiyon ng ama na para sana sa kanya, ina at kanyang mga kapatid. Ang dapat sana ay nagpoprotekta sa kanila ay ayun at nagpakamatay para sa bayan, kaya nga bakit niya pagsisilbihan ang mga ito noong panahon na siya na ang namumuno? Sila na uma­gaw ng oras at buhay ng kanyang ama, na kalaunan ay magpapakulong pa sa kanya na anak ng nagbuwis ng buhay para sa bayan, sila ba ang kanyang pagsisilbihan nang totoo?

Hindi malayo sa lohika ni Noynoy Aquino ang pagbasura sa anumang pag-asam ng mamamayan sa kahit kaunting kaginha-waan. Katulad na lamang ng pag-veto niya sa dagdag sanang P2,000 sa SSS pension noon.

Sa estimate ng mga eksperto, nasa P2 bilyon lamang na dagdag-gastos ‘yan ng pamahalaan sakaling i-subsidize ng kabang-bayan ang kakulangan na iyan. P2 bil­yon lamang na iaamot sa P3 trilyong national budget na pakikinabangan ng may 2.1 milyong mga retiradong Filipino. Pinagkaitan pa ni Ginoong Aquino, samantalang ang SSS fund ay pera naman talaga ng mamamayan buhat sa kani-kanilang kontribusyon at hindi salapi ng pamahalaan. Pagkakataon sana ni Noynoy noon na maipakita na kahit papaano ay tinatablan ang kanyang konsensiya, ano ba naman ang P2 bilyon na iaabono para sa 2.1 milyong Filipino?

Ang SSS pension ang karaniwang ipinangtutustos sa mga maintenance medicine ng ating mga retirado, at pagkaminsan ay ipinangtutulong pa sa mga anak nilang nagdarahop. Mga bayani ng bansa ang makikinabang sana diyan sa P2,000 na increase, ngunit ika nga ni Ginoong Noynoy, “Namatay tatay ko, ngayon namatayan kayo, patas na tayo.”

Halos death sentence po na maaaring ituring, mga kamasa, ang pag-veto ni Ginoong Noynoy sa kakarampot na pagtaas sana na iyan ng pensiyon. Ngayon halos death sentence din ang Dengvaxia, at death sentence din ang Mamasapano massacre.

Sayang, hindi na maaalala si Cory kada birthday niya kundi ang 44 na mga pulis na hinayaan lamang ni Noynoy na mangamatay sa bala.

Comments are closed.