MAMASYAL SA MASUNGI

NAKAPUNTA ka na ba sa Masungi Georeserve? Ito ay isang conservation area at natural na limestone rock garden na matatagpuan sa isang rainforest sa probinsya ng Rizal.

Kung medyo nagsasawa ka na sa pagtigil sa loob ng bahay dahil sa quarantine, maaaring mag-enjoy kasama ang mga kaibigan o kapamilya sa isang natural at preskong kapaligiran kagaya ng Masungi Georeserve.

Dito, mapapalapit kayo sa kalikasan, makalalanghap ng sariwang hangin, makapagbibilad sa araw, makapapamasyal at makapaglalakad bilang ehersisyo.

Tatlong uri ng aktibidad ang inihahain para sa mga bisita: ang Discovery Trail, Legacy Trail, at Garden Picnic. Sa Discovery Trail, makakapasok ka sa conservation area at magtatagal ito ng 3 hanggang 4 na oras. May park ranger na gagabay sa mga bisita at magbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa lugar.

Sa Legacy Trail naman, pupuntahan ng mga bisita ang Masungi Geopark Project kung saan isinasagawa ang restoration activities. Ang Garden Picnic ay para sa mga nais mag-enjoy lamang sa pamamagitan ng madaling paglalakad at pagpapahinga sa isang hardin. Sa picnic area ay maaaring mag-tsaa upang matikman ang mga inuming gawa sa mga halaman sa lugar.

P1,500 ang bayad ng bawat taong magpaparehistro upang makabisita sa lugar. Nasa 5 ang pinakamababang bilang ng tao bawat grupo. Ito ay napakagandang aktibidad para sa buong pamilya.

Mabuting paraan din ito upang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-iingat ng ating likas yaman.

Upang magparehistro at para makakuha ng dagdag na impormasyon tungkol sa Masungi Georeserve, maaaring puntahan ang kanilang website: www.masungigeoreserve.com