CAMP CRAME- NAGBABALA si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration, sa mga mananakit at mambu-bully sa mga frontliner lalo na ang health workers na selda ang kababagsakan ng mga ito.
Ang babala ay sinabi ni Cascolan bilang tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa live public address nito noong Lunes ng gabi na proteksiyonan ng pulisya ang mga frontliner laban sa diskriminasyon.
Sinabi ni Cascolan, ang pagpapakulong sa mga mananakit at mambu-bully sa frontliners ay kanila nang napag-usapan sa itinatag na National Incident Committee (NIC) kung saan siya miyembro habang chairman nila si NTF-COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr.
“We will arrest those bully, dapat nga inaalagaan natin ang ating mga health worker,” ayon kay Cascolan.
Magugunitang ilang insidente ng pananakit at pamamahiya ang sinapit ng mga health worker gaya ng pagsaboy ng bleaching agent, pagpapaalis sa inuupahang bahay at iba pang uri ng diskriminasyon.
Sinabi ni Cascolan na iniutos na rin ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa kamakailan ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga health worker sa pamamagitan ng covert at overt security.
“We are giving them covert and overt security to our frontliners, when you say covert, iyan ‘yung hindi naka-uniform, mga intel na umiikot iyan, kapag overt, iyan ‘yung naka-uniporme”, ayon pa kay Cascolan.
Hindi rin aniya kailangan na eskortan ang mga health worker sa halip dinagdagan nila ang police visibility sa mga daanan at mga health facilty kung saan may coronavirus disease (COVID-19) patients.
Binigyan din aniya nila ng procedure ang mga frontliner para mag-ingat gaya ng dapat nasa-lighted areas. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.