MAMUHUNAN TAYO SA KABATAAN — ISKO MORENO

“KUNG ang kabataan ang pag-asa at kinabukasan ng bayan, mamuhunan tayo sa kabataan.”

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pakikipag-usap sa mga kabataan ng Cabuyao City sa pagbisita niya sa Laguna sa ginanap na “Listening Tour” ng pangkat ng Aksyon Demokratiko.

Kung mananalong presidente sa eleksiyon sa Mayo 2022, siniguro ni Yorme Isko sa mga kabataan na hindi na magiging problema ng mga magulang ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Mangyayari ito sa pagsiguro na may trabaho ang ama at sisiguruhin niya na makapapasok ang mga kabataan sa eskuwela.

“… ikaw papasok sa eskwela, ‘yung eskwelahan mo, matino. Access to facilities and educational institutions will also be provided,” sabi ni Isko.

Upang mangyari ito, tiniyak ng kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko na tuloy-tuloy ang maraming proyekto sa impraestruktura ng kasalukuyang administrasyon.

Dagdag dito, maramihan at malawakang pagtatayo ng paaralang publiko, pagamutang bayan, pagtatayo ng pabahay at pagtatayo ng marami pang industriya, negosyo at mas maraming oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

o0o

Upang makasunod sa modernong takbo ng mundo, mamumuhunan ang kanyang gobyerno, paliwanag ni Yorme Isko sa makabagong kaalaman at teknolohiya sa impormasyon, maayos at mabilis na koneksiyon sa internet na magagamit sa pagtuklas ng karunungan at kasanayan sa edukasyon.

Kailangan ito, paliwanag ni Yorme, upang makasabay sa mahigpit na kumpetisyon sa mundo ng karunungan sa teknolohiya at siyensiya ang kabataang Pilipino sa mas mauunlad na bansa.

Mamumuhunan ang gobyernong Moreno sa STEM, sabi ni Yorme Isko.

“We will continue to invest on STEM (science, technology, engineering and mathematics) so that we will be competitive with Singapore and other countries. We will go to that direction,” aniya.

Upang mapasigla ang industriya at negosyo, ibababa niya ang excise tax sa langis at koryente nang mas lumago ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“Tutulungan natin ang maliliit na negosyo upang makalikha tayo ng marami, ng libo-libong trabaho at hanapbuhay nang hindi maging problema ang pagkain, pambili ng gamot at iba pang kailangan sa buhay at kabuhayan,” paliwanag ni Isko.

Mamumuhunan ang kanyang gobyerno, dagdag ni Yorme Isko sa mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO) centers.

Mamumuhunan din siya sa human resources development for the transformation from BPO to KPO (knowledge process outsourcing).

“Pag graduate n’yo, we will engage new developments from BPO to KPO. For new graduates, we need to adopt the new skills. Mas triple ang kikitain n’yo sa KPO,” sabi ni Yorme Isko.

Nagawa niya ito sa Maynila, at kung siya ang pangulo, matutupad rin ang pangarap ng mga kabataang Cabuyao.

“Yung pangarap ninyo, natupad na sa Maynila yun,” sabi ng 47-anyos na alkalde ng Maynila.

o0o

Pinayuhan niya ang kabataang Cabuyao na ‘wag tumigil sa pangarap at magsumikap.

“Ang nagawa ko, ay magagawa rin n’yo… ang kahirapan sa buhay ay dapat na gawin n’yong inspirasyon.

Kayo ang bagong Isko ng Laguna.”

Susi sa pag-angat sa buhay ang pagtitiyagang makatapos ng pag-aaral, kaya sabi niya, “… ‘wag na ‘wag kayong susuko, mag-aral kayong mabuti. I have to pursue my life in education. Pinilit kong mag-aral at magsinop sa pag-aaral.”

Ikinuwento niya na nagserbisyo siya bilang konsehal ng Maynila sa edad 23, noon at katatapos lang niya sa high school.

Hindi siya huminto, patuloy siya na nag-aral at nakatapos ng Business Administration degree sa International Academy of Management and Economics (IAME), saka kumuha ng post-graduate studies sa Harvard University sa ilalim ng the Executive Education Program and the Strategic Leadership Program at the Oxford University.

Nakadalawang taon si Yorme Isko sa law school sa Arellano University at Masters in Public Administration at the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), and Local Legislation and Local Finance sa University of the Philippines’ National College on Public Administration and Governance (UP-NCPAG).

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].