WALANG bansa ang nag-akalang magdudulot ng mabigat na problema bukod sa kalusugan ang pandemyang dulot ng COVID-19 sapagkat ang bawat isa ay naghikahos upang maiahon ang kani-kanilang mga ekonomiya na higit ding naapektuhan.
Lalo pa sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas, naging malaking hamon ang kakulangan sa imprastraktura sa ating daan tungo sa pagbangon dahil sa mabagal na paggalaw at paghahatid ng mga kagamitang pangmedikal.
Naging hamon din ito sa mga taong may malulubhang sakit dahil prinayoridad ng mga ospital ang gamutan para sa mga may COVID-19. Dagdag pa, nasaksihan natin ang pagkaubos ng personal protective equipment at mga hospital bed dahil sa dami ng kaso ng nahawaan.
Hindi lamang ang ekonomiya ng Pilipinas, kundi ng buong mundo ang bumagsak. Noong 2020, ang pandaigdigang ekonomiya ay bumagsak ng 3.3 porsiyento, habang 9.5 porsiyento naman para sa Pilipinas.
Sa kabutihang palad, kahit pa apektado rin ang kanilang mga negosyo ay naging bukas pa rin ang maraming kompanya na tumulong sa pagbabangon, kabilang na rito ang Manila Electric Company o Meralco.
Noong nakaraang linggo, nakipagtulungan ang Meralco sa lokal na pamahalaan ng Pasig upang maisakatuparan ng ilang mga Pasigueno ang kanilang pangarap na maging doktor.
Sa ilalim ng pinirmahang memorandum of agreement (MOA), limang residente ng Pasig na nagnanais magkaroon ng titulong Doctor of Medicine at Master of Business Administration sa Ateneo School of Medicne and Public Health (ASMPH), ang makatatanggap ng scholarship mula sa One Meralco Foundation (OMF) at sa Pasig local government unit (LGU).
Ang OMF, ang sangay ng Meralco na nangangasiwa sa mga programa nitong pagtulong sa mga komunidad, ang sasagot sa mga pangunahing gastos ng iskolar gaya ng bayad sa matrikula at mga miscellaneous fee, habang ang lokal na pamahalaan ng Pasig naman ang magbibigay ng allowance para sa uniporme, pagkain, at subsidiya sa transportasyon.
Ang inisyatibang ito ay hindi lamang makatutulong sa mga iskolar kundi pati na rin sa mga residente ng Pasig dahil ang mga iskolar ay maninilbihan sa mga pampublikong ospital ng Pasig katulad ng Pasig City General Hospital, Pasig City Children’s Hospital, at Pasig City Health Department sa oras na sila ay makapagtapos ng pag-aaral.
Bukod sa nagsisilbing parangal para sa mga medical worker na lumaban upang wakasan ang COVID-19 at pagpapalakas sa ating healthcare system, ang inisyatibang ito ng Meralco at ng Pasig LGU ay naglalayon ding hikayatin ang mga kabataan upang kumuha ng kursong medisina at magsilbi sa mga komunidad sa ating bansa.
Maaaring mahihirapan ang susunod na administrasyon upang ibangon tayo mula sa epekto ng pandemya ngunit makakayanan nating bumangon paunti-unti kung tayo ay mamumuhunan sa kakayahan ng ating mga mamamayan. Ito ang magsisilbing paghahanda sa hinaharap kung sakali mang kailanganin nating muling lumaban sa katulad na sitwasyon.
Bukod sa kakayahan ng ating mga skilled worker, ang pamumuhunan ay siyang magpapakita sa ating mga mamamayan na sila ay ating inaalagaan sa pamamagitan ng mas maayos na healthcare system na kanilang maaasahan at mapagkakatiwalaan.