BATANGAS- PATAY ang 54- anyos na manager ng isang sikat na sabungan nang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa loob mismo ng Mabini Cockpit Arena nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Virgilio Francisco Velasco, may- asawa at siyang namamahala ng nasabing sabungan.
Isang tama ng bala sa ulo ang tinamo ng biktima na siya nitong agad na ikinamatay.
Sa pahayag ni Major Mickglo Marinas, chief of police ng Mabini police station, nakita pa umano ng ilang sabungero na pumasok sa loob ng sabungan ang dalawang suspek at uminom sa water dispenser.
Matapos ang huling serye ng sabong, hinintay umano ng mga salarin na bumaba ng ruweda ang biktima saka ito nilapitan sa likod at binaril.
Mabilis na tumakas ang gunmen gamit ang isang lumang motorsiklo na natunton naman ng mga pulis na iniwan sa isang saradong tindahan sa kalapit na barangay.
Sa follow-up operation ng Sariaya police force napag-alaman na ang mga suspek ay miyembro ng gun for hire group base sa ibinigay na deskripsiyon ng ilang nakasaksi sa krimen.
Patuloy ang pangangalap pa ng ebidensiya ang Sariaya police station. ARMAN CAMBE