Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go na kumilos ang mga awtoridad uoang tugunan ang epekto ng oil spill sa Oriental Mindoro dulot ng paglubog ng MT Princess Empress.
“Dapat po ay managot ang may-ari ng vessel. Hindi puwedeng iasa mo sa gobyerno lahat ng paglinis ng mga coastal areas na ‘yan. Ilang pamilya po ang magugutom diyan, ‘yung mga umaasa sa huli ng isda, umaasa sa pangkabuhayan ng pangingisda at ilan pong mga kababayan natin ang naapektuhan ang kalusugan,” pahayag ni Go sa isang ambush interview matapos na personal na pangunahan ang relief operation sa Romblon, Romblon nitong Marso 16.
Ang MT Princess Empress, na may kargang 900,000 litro ng industrial fuel, ay lumubog sa Naujan sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28.
Ayon sa Maritime Industry Authority earlier ang oil tanker ay hindi awtorisadong tumakbo.
Sinabi ng Philippine Coast Guard, na ang oil spill ay nakaapekto na sa Palawan and Antique.
“Kapag may isang portion lang po ng oil d’yan (sa dagat) na lumulutang ay madumi na po at delikado po sa ating health kung pumasok ito sa ating katawan o malanghap natin. Lalo na po ito, buong coastline ng island of Oriental Mindoro ang tinamaan ng oil spill. Kita n‘yo ‘yung mga bato nangitim, mga buhangin, pati ang tubig, pati isda, pati nalalanghap na preskong hangin noon, ngayon ay wala na,” saad ni Go sa isang ambush sa pagbisita nito sa Taytay, Rizal noong Marso 14.
“Para sa akin po, bilisan po ang government intervention, magtulungan po tayo. Nandiyan na po ‘yan, kaya nga po nagtatrabaho ang ating coast guard, nagtatrabaho po ang mga LGUs (local government units),” ayon kay Go.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, mahigit 2,000 ektarya ng coral reefs, mangroves, at seagrass ang nasira ng oil spill.
Ayon pa kay Go, nabanggit niya kina Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor at Pola town Mayor Jennifer Cruz ang sitwasyon lalo na at libong mga residente ang naapektuhan lalo na sa bayan ng Pola.
Sinabi ni Governor Dolor na mahigit sandaang residente ang nagkasakit sa oil spill, ilan sa kanila ang nagsuka at nagka-diarrhea at ang iba ay nagka-respiratory problems.
“Ako naman bilang senador, handa po akong tumulong sa mga kababayan natin lalo na ang mga apektado, ‘yung mga kababayan nating isang kahig, isang tuka, ‘yung mahihirap na walang makain po dahil apektado dito sa oil spill,” pagtiyak ni Go.
“Dapat po hindi maulit ito at mapapanagot kung sino ang dapat managot, sinong may kasalanan. Dapat po maagapan at hindi umabot sa iba pang island o probinsya itong oil spill,” dagdag ng senador.