HINIMOK ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na higit pang magtiwala sa Panginoon sa panahong nahaharap sila sa banta ng panganib.
Partikular pa niyang tinukoy ang pagkalat na 2019 Novel CoronaVirus Acute Respiratory Disease (2019-nCoV ARD) na higit aniyang nakaaapekto sa kanilang lalawigan sa Bohol.
Ayon kay Uy, apektado ng nCoV scare ang industriya ng turismo sa kanilang lugar, dahil isa ang mga Chinese, na pangunahing lahi na bumibisita roon.
“Since Bohol largely depends on tourism industry, our people are one of the greatly affected by the nCoV crisis, but I encourage our people to trust in Divine Providence,” ani Uy sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Sa tala, malaking bahagdan ng mga turistang dumadalaw sa Bohol ay mula sa mainland China.
Gayunman, sa ngayon ay apektado ang turismo at kanilang kabuhayan dahil kasalukuyang ipinatutupad ng pamahalaan ng Filipinas ang temporary travel ban mula sa China, kung saan sinasabing nagmula ang nCoV.
“Surely, this will have great negative impact to business and livelihood of our people, but we have no reason to complain,” saad ni Bishop Uy.
Dagdag pa nito na mahalagang unawain ng mamamayan ang hakbang na ipinatupad ng gobyerno sapagkat para ito sa kapakanan ng bawat Filipino na maligtas sa nakamamatay na sakit.
Hinikayat din niya ang mga mamamayan sa lalawigan na magkaisa sa pananalangin upang mapigilan ang pagkalat ng bagong uri ng coronavirus.
“As bishop of Tagbilaran, I ask all Boholano faithful to join us in praying daily the Oratio Imperata against the novel corona virus issued by the Catholic Bishops Conference of the Philippines,” ayon pa sa obispo.
Panawagan pa niya sa mananampalataya na sundin ang mga paalala ng Department of Health (DOH) kaugnay sa paglaban ng nCoV at iwasan ang mag-panic at magpakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa virus.
Kumpiyansa naman siya na malalampasan ng bawat isa ang pagsubok na ito partikular sa mga Boholano na dumaan sa iba’t ibang uri ng hamon ng kalamidad at sakuna subalit nanatiling matatag sa tulong ng Diyos.
“We have shown our resiliency and strong determination in times past, and we will surely survive the crisis we are facing at present,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.