(Mananampalataya inanyayahan ng CBCP) MAKIBAHAGI SA VIRTUAL PILGRIMAGE

INAANYAYAHAN  ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Mission (CBCP-ECM) ang mga mananampalataya na makibahagi sa isang virtual pilgrimage, na handog ng komisyon ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, chairman ng komisyon, ang nasabing online pilgrimage, na tinatawag na ‘Visita Iglesia, A Virtual Pilgrimage,’ ay bahagi ng patuloy na paggunita sa ika-500 anibersaryo nang pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Filipinas.

Nakatakda ang pagsisimula ng virtual pilgrimage sa Mayo 8, 2021 na masusubaybayan tuwing unang Sabado ng buwan ganap na 10:00 ng umaga, sa pamamagitan ng official Facebook page ng CBCP-ECM at ng TV Maria.

“Nag-aanyaya [po ako] sa inyo sa isang Online Pilgrimage, ito po ay bahagi ng ating pagdiriwang ng ika-500 taon ng pagka-Kristiyano sa Pilipinas,” ani Mesiona.

Nabatid na tampok sa nasabing virtual pilgrimage ang iba’t-ibang mga pilgrim churches sa bansa sa pakikipagtulungan ng Association of Catholic Shrines and Pilgrimages of the Philippines.

Sa kabuuan may mahigit sa 500 mga Simbahan sa buong bansa ang itinalagang “pilgrim churches” ng iba’t-ibang diyosesis bilang paggunita ng Taon ni San Jose at ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Ang Apostolic Penitentiary ay nagkaloob ng indulhensya plenarya para sa mga taong bibisita sa mga Pilgrim Chruches sa iba’t-ibang diyosesis sa buong bansa. Ana Rosario Hernandez

4 thoughts on “(Mananampalataya inanyayahan ng CBCP) MAKIBAHAGI SA VIRTUAL PILGRIMAGE”

Comments are closed.