MANANAYA NANALO NG 20 BESES SA LOTTO

IBINUNYAG  ni Senator Raffy Tullfo na ang isang tumataya sa lotto ang nanalo ng 20 beses sa isang buwan habang ang isa naman ay nanalo ng 10 beses sa isang buwan.

Sinabi ni Tulfo na ito ay ayon sa datos ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“‘Yung PCSO nagbigay ho sa akin ng listahan…Ito nga po ang sabi ko medyo nakakataas ng kilay, meron doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month. Meron dun 10 times in one month,” ani Tulfo.

“Siguro baka magkapangalan pero still pare-pareho ‘yung premyo ang pinanalunan…Paulit-ulit in one month… Lalong tumambak ang mga question,” dagdag pa niya.

Pinangunahan ni Tulfo ang imbestigasyon ng Senado sa resulta ng lotto draw.

Kinuwestiyon niya ang dalas ng pagkakaroon ng mga nanalo sa bawat lotto draw.

“Bakit tuwing draw, may nananalo na? Ngayon, walang mintis. Samantalang nu’ng panahon na wala pa tong e-lotto, ang tagal bago mapanalunan. Inaabot ng isang buwan, dalawang buwan,” ayon sa mambabatas.
LIZA SORIANO