MAYNILA – PARA sa kaligtasan ng mga matatanda at may sakit na deboto, nanawagan ang parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene (Quaipo Church) na si Rev. Danich Hui, na huwag nang sumama sa prusisyon o traslacion ang mga matatanda at may sakit na deboto.
Paliwanag ni Hui, may mga prayer stations silang itinayo upang doon na lamang maghintay ang mga matatanda at may karamdamang deboto at huwag nang makipagsiksikan sa traslacion.
Ito aniya ay para na rin sa kanilang kalusugan at kaligtasan.
“Sana po huwag na lang pong sumama sa prusisyon. Mayroon po kaming itinalagang prayer stations kung saan puwede kayong manatili para maghintay na lang po at mag-abang sa pagdaan ng Poong Hesus Nazareno,” ayon kay Hui.
Maging si Interior Secretary Eduardo Año ay umapela sa mga may sakit na deboto at mga matatanda na huwag nang lumahok sa prusisyon.
Simula kahapon ay binuksan na rin ang simbahan ng 24 hours para sa mga hindi makakasama, para maiwasan ang mga sakuna at pagkaipit.
Sa record, mahigit isang milyong deboto ang lumahok sa taunang Traslacion na tumagal ng 21 oras.
Kabilang naman sa nararanasan sa siksikan sa Traslacion ang pagkahilo, pagkagalos, pilay, hypertension at laceration.
Noong isang taon ay umabot sa 700 katao ang binigyan ng medical attention.
Samantala, tinaya na aabot sa 13,624 police officers ang ipoposte sa venue at ruta ng Traslacion para sa seguridad sa taunang religious event.
DRONES, BACKPACK AT CP SIGNAL
Para pa rin sa seguridad, inaasahan ang pagbabawal ng pagpapalipad ng drones sa paligid ng Quaipo Church at maging sa Quirino Grandstand.
Bawal din umano ang paggamit ng backpack habang asahan din ang pagpatay ng signal sa cellphones. EUNICE C.
Comments are closed.