MANDALUYONG LGU NAGDAOS NG 2nd COLLEGE FAIR

UPANG mabigyan ng mas magandang pagkakataon ang mga mag-aaral na makapamili ng kolehiyo na kanilang pangarap, idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang ikalawang B.A.A. College Fair sa event center ng SM Megamall.

Ang “Be Academically Aware: A Scholastic Guide to Shape Our Future” ay isang proyekto ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos at opisina ni Councilor Benjie Abalos na bukas sa lahat ng Grade 12 students kahit sila ay nag-aaral sa loob o sa labas ng Mandaluyong City.

Nagsimula ang proyekto noong Disyembre ng 2022 na may layuning tipunin ang mga kolehiyo at unibersidad sa isang lugar at ipakita ang kanilang mga handog na kurso sa mga potensyal na Grade 12 na mag-aaral na papasok sa kolehiyo sa susunod na pasukan.

Noong nakaraang taon, ang college fair ay nilahukan ng mahigit 30 kolehiyo at unibersidad sa buong Metro Manila.

Para sa taong ito, umabot sa 40 ang bilang ng mga school exhibitors, kabilang ang Polytechnic University of the Philippines (PUP), University of Santo Tomas (UST), University of the Philippines-Manila, San Beda College, De La Salle University, Colegio de San Juan de Letran, Mapua University, at ang bagong bukas na Mandaluyong College of Science and Technology (MCST).

Ayon kay Konsehal Abalos, ang brainchild ng programa, bago siya nagtapos ng high school ay naranasan niyang bumiyahe sa ilang unibersidad bago makarating sa tamang kurso sa paaralan at kolehiyo.

Upang maiwasang gumugol ng maraming oras at pera ang mga estudyante sa pag-commute o paglalakbay para maghanap ng kanilang gustong kolehiyo, iminungkahi niya kay Mayor Abalos ang college fair program.

Bilang tugon, inaprubahan ni Mayor Abalos ang ideya dahil naniniwala siya na ang isang taong nakapag-aral ay may mas magandang pakinabang sa buhay.
ELMA MORALES