MANDALUYONG LGU NAKIISA SA ‘NO SMOKING MONTH’

PINAMUNUAN ni Mayor Ben Abalos ang pagdiriwang ng No Smoking Month ngayong buwan ng Hunyo sa buong lungsod katuwang ang City Health Department.

Hinikayat ni Abalos ang mga Mandaleño na makiisa sa kampanya ng Pamahalaang lungsod na itigil na ang paninigarilyo at pag-vape na parehong may masamang epekto sa kalusugan ng tao.

Inihayag ni Dr. Benjamin Freddie Reyes sa flag raising ceremony na isa ang Mandaluyong sa mga local government units (LGUs) na aktibo sa pagpapatupad ng pagbabawal ng paninigarilyo at pag-vape.

Patunay dito, ang iba’t ibang hakbang ng pamahalaang lungsod katulad ng pagbabawal ng paninigarilyo at pag-vape sa mga pampublikong lugar, ayon sa City Ordinance No. 944, S-2023 o ang Comprehensive Smoking and Vaping Ordinance, at pagpataw ng parusa sa mga indibidwal na lumalabag sa batas na ito.

Mayroon din Smoking and Vaping Cessation Program ang lungsod sa pamamahala ni Dr. Myra Ang na tutulong sa mga indibidwal na nais huminto sa bisyo ng paninigarilyo at pag-vape.
ELMA MORALES