DAGDAG gastusin lamang at posibleng maging ugat pa umano ng katiwalian ang kautusan ng Land Transportation Office (LTO) para sa lahat ng driver’s license renewal at student driver permit applicants ang pagkuha muna ng walo hanggang 15 oras na driving courses sa alinmang pribadong driving schools.
Ito ang tahasang sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa inihain niyang House Resolution no. 1045, na nananawagan para isantabi muna ang nasabing direktiba ng LTO, na nasa ilalim ng Memorandum Circular No. 2019-2176 na ipinalabas ng huli at magiging epektibo sa darating na Agosto 3.
Ayon kay Rodriguez, lumalabas na ang pangunahing layunin ng naturang LTO memorandum ay ang pagkakaroon din ng kaukulang accreditation sa mga driving institution, na ang ibig sabihin ay para kumita ang huli, subalit taumbayan naman ang papasan ng gastusin.
“It would seem that there are many problems that would result from the implementation of the memorandum circular and it will only be an additional financial burden to and time consuming for the Filipino people,” sabi pa ng kongresista.
Sa ilalim ng direktiba ng nasabing ahensiya, ang student driver permit applicants ay dapat sumailalim sa ‘theoretical’ 15-hour driving course, habang ang mga magre-renew ng driver’s license ay obligadong kumuha ng eight-hour driving enhancement program.
Subalit giit ni Rodriguez, “the requirement for a student permit applicant will cost about P3,000 to P5,000 for a theoretical and actual driving course from a private driving school. These amounts will also be spent by all of us drivers when renewing our driver’s license by requiring us to undergo driving enhancement program even if we have no violations on our records.”
Kung desidido, aniya, ang LTO na maipatupad ang nais nito, ang mismong ahensiya na ang magbigay ng libreng driving course at ang mga driver na magre-renew ng lisensiya na may demerit points dahil sa traffic rules violation ang sila lamang dapat na sumailalim dito.
Dagdag pa niya, walang nakasaad sa Republic Act No. 10930, o ang Land Transportation and Traffic Code na dapat magkaroon ang ahensiya ng accreditation ng ‘external private driving schools’ dahil batid naman na ang driving institutions na ito ay isang uri ng negosyo o para pagkakitaan lamang. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.