NAGLUNSAD na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Mandatory Drug Test kung saan ang unang isinalang ay ang mga station commander ng Manila Police District (MPD) at Quezon City Police District (QCPD) na isinagawa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ipinatawag ni NCRPO Director MGen. Jonnel C Estomo, ang lahat ng station Commanders ng MPD at QCPD para isalang sa drug test upang mapatunayan na ang kanilang tauhan ay malinis at hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabihan ni Estomo ang mga station Commander na kapag may nagpositibo sa droga ay siguradong may kakaharaping kaso at posibleng matanggal sa serbisyo.
Ayon kay Estomo ang ginagawa nilang aksyon ay bilang suporta sa Internal Cleansing na ginagawa ng DILG sa hanay ng pulisya.
Nabatid sa datos ng NCRPO, umaabot sa 30 ang station commanders ng MPD habang 35 naman mula sa QCPD samantalang ang Sub- Station commanders naman sa Northern Police District (NPD) ay 24 at sa Southern Police District (SPD) ay umaabot sa 52.
Matatandaan na nitong nakalipas na Biyernes ay naunang sumalang sa Surprised Mandatory Drug Test ang mahigit sa 72 NCRPO High ranking officials kasabay ng kanilang isinagawang paghahain ng ‘’COURTESY RESIGNATION ‘’ kung saan ay nagnegatibo naman lahat sa illegal na droga ang mga ito. EVELYN GARCIA