MANDATORY FACEMASK LABAG SA BILL OF RIGHTS

NANINIWALA si Dr. Mike Aragon, chairman ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) na isang paglabag sa Article 3 Section 1 ang ipatutupad na mandatory facemask sa indoor places, public utility vehicles, senior citizens at immunicompromised individuals dahil walang batas na nagtatakda rito.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Aragon na labag sa Bill of Rights ang karapatang malayang makapamuhay ng isang indibduwal ang puwersahang pagpapasuot ng facemask.

Ang pahayag ni Aragon ay batay na rin sa rekomendasyon ng legal team ng KSMBPI kung saan suportado ng dating Pangulo ng Philippine Medical Association (PMA) at Clean Air Philippine Movement Inc. (CAPMI) President na si Atty. Leo Olarte at dating Senador Joey Lina.

Bagaman, hindi siya tutol sa pagsusuot ng facemask bilang proteksyon laban sa COVID-19, dapat lamang na may kaukulangang batas ang dalawang kapulungan ng Kongreso na ipinasa at nilagdaan naman ng Pangulo ng bansa upang sa ganoon ay hindi malabag ang karapatan ng isang indibiduwal.

Ikinatuwa naman ni Cebu Mayor Mike Rama ang naging desisyon ng pamahalaan na sundan ang kanilang naunang hakbangin na gawing voluntary o optional na lamang ang pagsusuot ng mask.

Aniya ito ang nakita nilang solusyon para maibalik ang sigla ng ekonomiya mula sa dulot ng pandemyang COVID 19.

Kaugnay nito, pabor din si Dr. Benito Atienza, Vice President, Philippine Federation of Professional Associaton (PFPA) sa pagsusuot ng facemask laban sa COVID-19.

Bukod dito, hinikayat din ni Atienza ang lahat na magpabakuna lalo na ang booster upang higit na malabanan ang COVID-19 at anupamang mga variant ang maaring dumating.

Pinaalalahanan din ni Atienza ang lahat na bukod sa COVID 19 ay dapat ding bantayan at ingatan ang pagkakaroon ng sakit ng dengue na kung saan ay tumataas ang bilang lalo na ngayong madalas ang pag-ulan.