MANDATORY FRANCHISE CONSOLIDATION NG LTFRB PINABABASURA KAY DUTERTE

Atty Ariel Inton-2

UMAPELA na ang isang commuter at transport advocate group kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Kongreso na buwagin na ang mandatory franchise consolidation na ipatutupad ng Land Transportatiin Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DoTR).

Sa isang phone interview ng Pilipino MIRROR, sinabi ni Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Founder Atty. Ariel Inton, dapat masusing repasuhin din maging ang  fines at penalties na ipinapataw sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO) 2014-01 ng DoTR.

Matatandaang mariing tinutulan ng LCSP ang dalawang naturang polisiya bunsod ng sobrang lupit ng mga ipinapataw na kaparusahan na maaaring kumitil sa hanapbuhay ng mga driver at operator at magdulot ng malawakang pangongolorum sa kalsada.

Nakikita ni Inton na malalagay sa alanganin at masyadong agrabyado ang hanay ng transport sector sakaling tuluyang manatili ang dala-wang nabanggit na polisiya.

“Tutol po ang LCSP sa sapilitang pag-consolidate ng mga prangkisa sa isang corporation o cooperative dahil mawawala ang single franchise holder na pinaghirapan at ginastusan ng malaki ng mga operator,” saad ni Inton.

Idinagdag pa nito na bagamat ang prangkisa ay isang pribilehiyo lamang na binibigay ng pamahalaan sa isang taong may negosyong pam-publiko gaya ng transport, hindi naman aniya makatuwirang bawiin ito sa kanila nang walang sapat na kadahilanan.

Kasunod nito, umaasa si Inton na pakikinggan ni Pangulong Duterte at tutugunan ng Kongreso ang  panawagan sa naturang problema na nagbibigay ng mabigat na pasanin sa hanay ng transport sector. BENEDICT  ABAYGAR, JR.

One thought on “MANDATORY FRANCHISE CONSOLIDATION NG LTFRB PINABABASURA KAY DUTERTE”

Comments are closed.