MANDATORY NA PAGGAMIT NG FACEMASK IKAKASA SA MAYNILA

MAKARAANG maobserbahan ang tila pagtaas ng mga kaso ng tinatamaan ng COVID-19 sa mga nakalipas na Linggo, pinag-aaralan ngayon ng Lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang posibleng pagpapatupad muli ng mandatory use o wearing of face mask.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, may panibagong 79 na mga kaso ng COVID-19 na naitala sa nakalipas na Linggo na karamihan ay mild at asymptomatic.

Bagaman hindi pa nakakaalarma, sinabi ni Lacuna na mahigpit na nakamonitor ang City Health Department ukol sa mga naturang kaso at sa mga maitatala pang bilang sa mga susunod na araw.

Ang nagdaang Holy Week ang isa umano sa dahilan ng muling pagtaas ng kaso kung saan maraming residente ang nagpunta sa ibang lugar para magbakasyon.

Una nang sinabi ni infectious disease expert Dr. Tony Leachon na tumaas na sa 7% ang positivity rate sa COVID-19 o yung antas ng nagpopositibo sa virus sa buong bansa.

Paalala ng eksperto, mainam na magsuot pa rin ng face mask sa mga pampublikong lugar lalo na dahil sa mga kumakalat na bagong sub-variant gaya ng 1.16 o sub-variant ‘Arcturus’.

Sa Pilipinas, wala pa namang naitatalang ganitong kaso sa ngayon. PAUL ROLDAN