MANDATORY REPATRIATION AT DEPLOYMENT BAN SA MGA OFW SA HK WALA PA

Silvestre Bello III

MAYNILA – WALA pang ipinatutupad ang pamahalaan na mandatory repatriation at deployment ban sa mga manggagawang Pinoy sa Hong Kong.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III kasunod ng mga social media posts na nagpatupad na umano ang pamahalaan ng mandatory repatriation sa overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa nagpapatuloy na karahasan at mga protesta na banta sa kaligtasan ng mga Pinoy sa naturang bansa.

Ayon kay Bello, wala pa silang natatanggap na abiso mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa alert level na maaring pagbasehan nang mandatory repatriation.

“Right now there is no communication from the DFA and even from the consulate of Hong Kong regarding the possibility of repatriation, either voluntary or mandatory. We are in close coordination with the DFA for any development,” paliwanag pa ng kalihim.

Aniya pa, updated rin naman ang labor attaché sa Hong Kong sa petsa, oras at lugar na pagdarausan ng mga protesta sa 24/7 basis at kaagad siyang nagpapalabas ng weekly advisory para sa kaalaman ng publiko, partikular ng mga Pinoy.

Hinihikayat naman ni Bello ang publiko na huwag na lamang pansinin ang mga kumakalat na pekeng balita sa social media at iba pang web pages at ang gamitin lamang basehan ay ang advisories at news bulletin na ipinalalabas ng Philippine consulate at ng DOLE.

“I urge the public to ignore this fake news on the internet. For those spreading it, please stop and let us not aggravate the situation and endanger our OFWs. We should help our OFWs there by not giving them false news about [mandatory] repatriation,” dag-dag pa ni Bello.

Sa kabilang dako, iniulat din ni Bello na sa kabila ng civil disturbance, ay wala namang OFW sa Hong Kong na nagpapaabot sa kanila ng kagustuhang umuwi ng bansa.

Pinapayuhan naman ng Philippine consulate ang mga Filipino migrants sa Hong Kong na tumalima sa advisories ng pamahalaan na manatili sa kanilang mga tahanan at kung hindi maiiwasang umalis ng bahay ay iwasan na lamang magsuot ng puti at itim na t-shirt upang hindi mapagkamalang kabilang sa mga protester.

Ang mga Pinoy naman na pinapayuhang bumisita sa Hong Kong ay pinapayuhang ipagpaliban na lamang muna ang kanilang biyahe kung maaari. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.