MANDATORY SWAB TEST, QUARANTINE SA NAVOTAS

swab test

NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang executive order na nagmamando sa lahat ng close contacts ng COVID-19 positive patients na sumailalim sa swab test at quarantine.

Sa ilalim ng Executive Order No. 042, series of 2020, ang mga nakatira sa iisang bahay ay itinuturing na close contacts ng makumpirmang  positibo sa COVID-19 ay inoobligang sumailalim sa swab test at quarantine.

Ayon pa sa ordinansa, kapag nakumpirmang mayroong virus, obligado rin ang mga pasyente na ilipat sa community isolation facilities.

Sinumang hindi sumunod o magbigay ng maling impormasyon ay hahainan ng demand letter mula sa City Legal Office at kapag patuloy na nagmatigas ang pasyente sa kabila ng demand letter ay kakasuhan siya ng paglabag sa Section 9 ng Republic Act No. 11332.

Ipinatupad ang nasabing order matapos na makatanggap ng ulat ang pamahalaang lungsod na tumatanggi ang mga close contacts na sumailalim sa testing at patuloy na nagsisialis sa kanilang bahay.

Pumalo na sa 3,953 ang tinamaan ng COVID-19 sa nasabing lungsod noong Agosto 19, 2020 habang umabot naman sa 903 ang active cases; 2,935 naman ang gumaling at 115 ang namatay. EVELYN GARCIA

Comments are closed.