MANDATORY TEST SA PRIVATE MOTOR VEHICLE INSPECTION CENTERS SINUSPINDE

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasasa! ​Kumusta po ang buhay sa panahon ng pamamayani ng Delta variant sa lahat ng panig ng kapuluan.  Stay well po at huwag tayong pasaway sa pagtalima sa Inter-Agency Task Force (IATF) COVID-19 protocols para sa ating kapakanang pangkaligtasan sa nakahahawang sakit.  ​Ipinag-utos kamakailan ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagsuspinde sa mandatory test sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) sa loob ng “geographic area of response” (GAOR) upang suriing mabuti ang patakaran sa pagpapatupad nito.

​Kamakailan, sinabi ni Sec. Tugade na inatasan niya ang LTO na panatilihin ang dating proseso ng pagpaparehistro kung saan maaaring pumili ang mga motorista sa pagitan ng PMVIC at ng isang private Emission Testing Center para sa kinakailangang inspection ng sasakyan.

​Sa ilalim ng Memorandum SC 2021-02, ang mga motorista sa mga lugar na nasa ilalim ng GAOR ay kinakailangang ipa-test ang kanilang sasakyan sa PETC at sumailalim sa inspection sa roadworthiness sa isang tanggapan ng LTO.

​Ayon kay Sec. Tugade, ang inspection ng  roadworthiness para sa mabibigat na sasakyan (ang kabuuang timbang ng sasakyan ay 4501 kgs pataas) ay ginagawa ng mga tauhan ng LTO, at ang pagsusuri sa emisyonng PETC, sa loob ng iisang GAOR. ​Aniya, mayroon pang pangangailangan para sa isang mas malinaw at mas mahusay na pagpapatupad ng patakaran habang isinasaalang-alang ang COVID-19 pandemic. ​Bilang pagtalima sa suhestiyon ng iba’t  ibang stakeholders sa programa ng PMVIC, nanawagan naman si Sec. Tugade n maging mahinahon at magkaisa upang matugunan ang mga isyu at alalahanin na may kinalaman sa napakahalagang patakaran sa transportasyon ng kalsada na mapahusay ang inspection nang maging karapat-dapat sa kalsada ang sasakyan.

​Nauna rito, sinabi ni Senator Grace Poe sa DOTr na suspendihin ang ipinag-uutos na pagsusuri sa PMVIC sa kadahilanang higit na mataas ang gastos nito sa nabanggit na  patakaran at wala sa panahon sa gitna ng pananalasa ng pandemya. ​Mariing sinabi ni Senator Poe na halos lahat ng mga rehiyon sa bansa ay sakop ngayon ng inaasahang GAOR para saCordillera, Caraga at BARMM.

​Bukod sa mataas ang gastos, sinabi pa ni Poe na may problema rin dahil sa mahabang linya ng walang distansiya sa panlipunan at ilang pinipilit ang mga motorista na bumili  ng mga patakaran sa seguro mula sa mga operator ng PMVIC upang makakakuha ng pass mark.

SERBISYO NG LTO INILAPIT SA TAO

​Pinalawak ng LTO ang serbisyo nito bilang pagtugon sa direktiba ni Secretary Tugade na ilapit ang serbisyo ng LTO sa mamamayan sa pamamagitan ng establishment ng 112 offices sa buong bansa.

​Kaugnay nito, iniulat ng LTO na lumikha  ang ahensiya ng 23 bagong LTO District Offices Extension, 42 bagong extension offices, at 47 Driver’s License Renewal Offices simula nang ipatupad ang  kautusan noong 2016.

​Malugod namang iniulat ni Sec. Tugade na simula nang ipatupad ang kautusan ay makatitipid ang mgamotorista ng oras at gastos at makaaasa pa bukod dito ng mabilis at maaasahang government service mula sa tanggapan ng LTO na malapit sa kanila. ​Sinabi ni Sec. Tugade na “ang pagtatayo natin ng mga LTO District Offices, at Extension ng Driver’s License renewal Offices ay upang ilapit sa mga mamamayan ang serbisyo ng LTO.” ​“Gusto natin na ang serbisyo publiko ay maging accessible sa lahat.  Hindi ang mga tao ang magpapakahirap lumapit para makuha ang serbisyo ng LTO, kundi ang LTO ang lalapit sa mga tao,” pahayag ni Sec.Tugade.

​Ayon naman kay LTO Chief and Assistant Secretary Edgar Galvante, ang mga bagong tatag na office ay makatutulong sa pagtugon sa drivers’ license application, vehicle registration, at iba pang pangangailangan ng mga kinauukulan sa transport industry.

​Samantala, ipinaliwanag pa ni Galvante na ang mga LTO District Office ay nilikha sa pamamagitan ng mga batas na inaprubahan o pinagtibay ng Kongreso na pinondohan sa pamamagitan ng national budget para sa kanilang manpower at operation samantalang ang LTO extension office ay pinatatakbo naman sa ilalim ng mga District Offices upang higit na mapalawak ang abot ng paglilingkuran ng ahensiya.

MGA SIMPLENG SIRA NG SASAKYAN  DAPAT ALAM NG DRAYBER GAWIN

​Ayon sa pahayag ng isang instructor ng isang driving school sa Paranaque City, hindi lahat ng sira ng sasakyan ay nagwawakas sa aksidente.  Kung marunong sa trouble-shooting, mareremedyuhan ang alinmang diperensiya ng minamanehong sasakyan bago ito makapinsala. ​Isa sa mga cardinal rule na kanilang paulit-ulit na ipinaaalala sa kanilang mga student driver sa kanilang pagbiyahe bilang isang lisensiyadong driver, kailangang lagi nilang dala ang mga mahahalagang kagamitan sa pagkukumpuni ng sasakyan.

DAPAT GAWIN KUNG MASIRAAN AT MALAYO SA MOTOR SHOP

​Ano ba ang dapat gawin ng driver kung sa hindi inaasahang pagkakataon ay masiraan ang minamanehong sasakyan? ​Cool ka lang, payo ng driver instructor sa kanyang mga student.Kung masiraan at malayo sa anumang  pagawaan ng sasakyan, dalhin ang sasakyan sa shoulder ng kalsada o linyang pinakamalapit sa bangketa upang hindi maging sagabal o sanhi ng problema sa kalsada. ​Pagkatapos mai-park nang maayos at malagyan ng kalso (bato o kahoy) ilagay sa first gear ang kambyo at ilagay sa on ang handbrake.  Gumamit ng Early Warning Device (EWD) bilang pagtugon sa kahingian ng Republic Act 41230. ​Maglagay ng EWD na may hugis na tatsulok (triangle), at reflector na kulay dilaw o pula.  Itayo ang pulang EWD apat na metro ang mula sa nguso ng sasakyan.  Kapag nagawa  ito, maaari  nang tumawag ng mekaniko kung hindi umubra ang talent sa Do It Yourself (DIY) sa pagkukumpuni.

MGA SIMPLENG SIRA NG SASAKYAN

​Ang karaniwang sira ng sasakyan na kaya mong kumpunihing mag-isa ay ang mga sumusunod:

  1. PUMUTOK ANG GOMA (TIRE) – Kung sa isang ‘di inaasahang pagkakataon ay biglang pumutok ang goma ng minamanehong sasakyan, iwasan ang biglang pagpreno. Mag- concentrate sa paghawak ng manibela upang manatiling maayos ang takbo ng sasakyan.

​Dahan-dahanin ang pagpapatakbo at pag-apak sa brake hanggang ang sasakyan ay huminto.

​Kapag biglang nagpreno, maaaring tumaob ang sasakyan.  Dalhin ang sasakyan sa malapit na bangketa at palitan ang gulong ng reserba.

​2. NAIPIT ANG BUSINA (Horn) – Kapag tumunog ang busina nang walang patid kahit hindi mo diniinan, tiyak na may short circuit ang mga koneksyon nito.

​Tagtagin nang malakas ang busina.  Kung hindi pa rin ito tumigil, buksan ang hood at putulin ang koneksiyon.  Bilisan ang pagtanggal para maiwasang makatawag pansin sa kapwa driver ang tuloy-tuloy na pagtunog.

​3. NAIPIT ANG STARTER – Huwag ipatutulak ang sasakyan.  I-set ang kambyo sa tres (3rd gear) at ugain ang sasakyan hanggang makarinig ng klik.

​4. PAGTULO NG GASOLINA – Kung humina ang accelerator o namatay nang bigla ang makina kahit puno ng gas,tiyak na may tumutulo sa linya ng gasolina.

​Suriin kung saan may butas, kung sa gas tank o alinmang koneksiyon nito. ​Maaari munang takpan ang butas ng kahit anumang puwedeng ipantakip tulad ng sabon, bago dalhin ang sasakyan sa pinakamalapit na service station.

​Kung mahina ang agos ng gasolina sa karburador kahit puno ang gas tank, maaaring napasukan ng hangin ang mga koneksyon o kaya ay barado ang karburador, o nag-overheat ang makina. ​Takpan ang mga butas na pinapasukan ng hangin.  Ipakumpuni kaagad ang fuel filter at karburador o palamigin ang makina.

​LAGING TATANDAAN:  UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. ​HAPPY MOTORING!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *