MALINAW ang inihayag ng Department of Health na hindi na magbabalik ang mandatoryong pagsusuot ng face mask.
Ito ay sa gitna ng pagsibol ng bagong variant ng COVID-19.
Gayunman, ito ay hindi sa Pilipinas kundi sa Singapore.
Ang bagong Flirt COVID-19 strain na sanhi umano ng pagtaas ng mga kaso ng virus infection sa Singapore ay ikinategorya ng World Health Organization bilang variant under monitoring.
Sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na posible nang nakapasok ng bansa ang bagong Covid strain ngunit hindi ito dapat ikabahala dahil hindi naman aniya seryoso ang epekto ng variant na ito.
Ayon sa kalihim, nakahanda ang DOH at health facilities ng bansa sakaling magkaroon ng pagtaas sa kaso ng bagong virus.
Gayunman, pinayuhan din ng kalihim ang publiko na maging alerto at ipatupad ang minimum public health standards gaya ng pag-iwas sa mga matataong lugar.
Kapag maysakit naman lalo na’t kung may ubo at sipon ay mas maiging manatili na lamang sa loob ng bahay at magsuot ng face mask.