MANDAYÁ, IKATLONG KATUTUBONG WIKANG PINAGPARANGALAN SA PASINAYA NG BANTAYOG-WIKA SA LUNGSOD MATI, DAVAO ORIENTAL

KWF

PINASINAYAAN noong Hunyo 19, 2018 ang Bantayog-Wika para sa wikang Mandayá, bílang pagpaparangal sa mga katutubong wika ng Filipinas, sa Davao Oriental State College of Science and Technology (DOSCST), Lungsod Mati, Davao Oriental.

Ang Bantayog-Wika, na likha ng tanyag na eskultor na si Luis “Junyee” E. Yee Jr., ay magkatuwang na inilantad sa madla nina Dr. Edito B. Sumile, Pangulo ng DOSCST, Dr. Roy G. Ponce, Pangalawang-pangulo ng Research Development and Extension ng DOSCST, Prop. Evangeline R. Rivera, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, iba pang opisyal ng kolehiyo, at Pambansang Alagad ng Sining at Tagapa­ngulo ng Komisyon sa Wikang Filipino Virgilio S. Almario.

Yari ang hubog-kawayang bantayog sa stainless steel at may taas na sampung talampakan. Nakaukit sa katawan nito ang baybaying bersiyon ng “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio. Lumiliwanag din ang teksto para sa mga nais bumisita sa kinatatayuan nito sa parke sa loob ng kolehiyo.

Mandayá ang tawag sa wika ng mga katutubong naninirahan sa mga bahay ng Baganga, Banaybanay, Boston, Caraga, Cateel, Governor Generoso, Lupon, Manay, Mati, Monkayo, Tarragona ng Davao Oriental; Bayan ng Tago sa Surigao del Sur; Bayan ng New Bataan sa Compostella Valley; at ilang bahagi sa Davao del Norte at sa Agusan del Sur.

Mababása ang karagdagang impormasyon tungkol sa wikang Mandayá sa marker na kapuwa mayroon sa wikang Mandayá at Filipino.

Inaasahan ang pagtatayo ng iba’t ibang Bantayog-Wika sa Filipinas na mayroong humigit-kumulang 130 katutubong wika at itinuturing na isang dakilang pamanang-bayan ng bansa. Itinataguyod ito ng Tanggapan ni Senador Loren B. Legarda at Komisyon sa Wikang Filipino.