MANGANGANAK NA GINANG NI-RESCUE

QUEZON – ISANG ginang na manganganak na ang iniligtas at isinugod sa ospital ng mga rescuer ng Bureau of Fire Protection attauhan ng MDRRMO sa kasagsagan ng malaking baha sa bayan ng Burdeos sa lalawigang ito kahapon ng umaga.

Ayon kay Garner Gimenez, head ng MDRRMO Municipality of Burdeos, tumawag ng tulong sa kanila ang pamilya ng ginang nang magsimulang sumakit ang tiyan nito at makaramdam na manganganak na.

Subalit, dahil sa malakas na ulan dulot ng bagyong Enteng, lubog na sa baha ang halos buong  town proper ng bayan ng Burdeos kasama ang barangay ng ginang.

Wala nang makatakbong sasakyan dahil sa taas ng tubig na halos umabot ng hanggang beywang.

Kaya’t sinaklolohan na lamang ito ng mga rescuer gamit ang stretcher at sinagasa at nilusong ang malalim na baha at nilakad ang nasa 1 kilometrong layo ng  ospital.

Nang maipasok sa binabaha rin ospital, ligtas at maayos namang nakapagsilang ang ginang ng isang sanggol na lalaki.

BONG RIVERA