IDINIIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng maayos na pangangasiwa sa Maharlika Investment Fund upang magtagumpay ang nasabing sovereign fund.
Sa sidelines ng 85th Anniversary ng Security Exchange Commission, sinabi ni Pangulong Marcos na good managers ang dapat italagang mangasiwa sa naturang sovereign fund.
“The key to the success of any fund, a hedge fund, pension fund, sovereign fund, investment fund is the management,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Punong Ehekutibo na agad niyang lalagdaan ang panukalang probisyon sakaling matanggap ito ng kanyang opisina.
Inamin din ng Pangulo na ikinagalak niya na nagtugma ang bersyon ng Kongreso habang titiyaking kanyang rerepasuhin ang lahat ng mga pagbabago sa nakapasang batas.
“Am I happy? Well, that is the version that the House and the Senate has passed, and we will certainly look into all of the changes that have been made,” tugon ng Pangulo kung masaya ito sa bersyon ng Kongreso.
Tinukoy rin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng independent fund mula sa pamahahalaan at mapangasiwaan nang maayos.
“One of the first changes that even I proposed to the House was to remove the President as part of the board, to remove the Central Bank chairman, to remove the Department of Finance because it has to operate as an independent fund, well managed professionally,” dagdag pa ng Pangulo.
Dapat din aniyang alamin at kilalanin ang mga pambihirang good money managers at financial managers na maaaring makatuwang ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na kaniyang lilinawin sa publiko ang mga pagbabago sa proposed measure at titiyakin na ilalapat ang safety nets at seguriad sa pension fund ng taumbayan.
Layunin nito na mawala ang agam-agam ng publiko sa MIF.
Magugunitang noong nakaraang buwan ay pinawi ni PBBM ang pangamban ng publiko dahil hindi naman magagamit ang state pension fund para sa MIF.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang MIF ay gagamitin para mamuhunan sa strategic and commercial activities na itinakda para isulong ang fiscal stability para sa economic development at pagpapalakas sa top-performing government financial institutions sa pamamagitan ng dagdag investment platforms na susuporta para makamit ang national government’s priority plans.
-EVELYN QUIROZ