DAVAO DEL SUR- ARESTADO ang 44-anyos na mangingisda makaraang mag-bomb joke habang nag-iinspeksiyon ang mga awtoridad sa pampasaherong bus sa inilatag na checkpoint ng Task Force Davao sa bahagi ng Brgy. Sirawan, bayan ng Toril, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Raymond Santosidad ng Gutierrez Village sa nabanggit na barangay.
Sa ulat ng pulisya, lumilitaw na nagsagawa ng pag-iinspeksiyon ang TF Davao sa mga bagahe ng pasahero ng Mindanao Star Bus mula sa General Santos City nang makatawag pansin sa bitbit ng suspek.
Sinita ng ilang tauhan ng TF Davao ang suspek sa bitbit nitong dalawang balde na may mga damit sa ibabaw kung saan sumagot ito na may bomba at mga armas kaya kaagad siyang inaresto ng awtoridad.
Ayon sa suspek, nagbibiro lamang siya sa mga sundalo at mga pulis subalit hindi nito alam na isa itong paglabag sa Presidential Decree 1727 (Anti-Bomb Joke Law).
Samantala, hindi na itutuloy ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek dahil napag-alamang isa itong person with disability.
Magugunita na mahigpit na ipinatutupad sa buong Davao ang nasabing PD 1727 dahil sa isang buwang pagdiriwang ng Kadayawan Festival kung saan maraming aktibidad sa sentro ng nasabing lungsod. MHAR BASCO
Comments are closed.