QUEZON- ISANG mangingisda ang namatay nang pukpukin ng bato sa ulo ng kanyang half brother sa naganap na pag-aaway sa lamay ng kanilang tiyo sa may Barangay Matinik, Lopez kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Armin Bulila Dimalibot, 58-anyos, residente ng nabanggit na Barangay.
Base sa report ni Lt. Col. Rommel Sobrido, hepe ng Lopez PNP, dakong alas-11:30 ng gabi nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at kapatid sa ina na si Manny Bulilan Cero.
Base sa imbestigasyon, nagpasyang umuwi na lamang ang biktima sa kanilang bahay para matigil ang pagtatalo at hindi na mauwi pa sa gulo ang lahat.
Subalit lingid sa kaalaman ng biktima sinundan siya ng kapatid at habang naglalakad ay biglang hinampas ito ng isang tipak ng bato.
Nagtamo ng sugat sa ulo at sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima na siyang ikinamatay nito na nasaksihan ng kabilang mga kaanak.
Narekober ng mga awtoridad ang duguang bato na ginamit ng suspek na mabilis na tumakas.
Kasalukuyang pinaghahanap ng mga pulis at inihahanda na ang kasong homicide laban sa suspek. BONG RIVERA