MANGINGISDA SA BAJO DE MASINLOC, IPAGLALABAN NG PAMAHALAAN

SA KABILA ng banta ng China na simula Hunyo 15 ay paghuhulihin na ang mga Pilipinong mangisda sa Bajo de Masinloc sa lalawigan ng Zambales, tiniyak ng mga kongresista na kaalyado ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nakahanda ang pamahalaan na protektahan ang mga mangingisda.

Ito ang ipinangako ng mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan matapos ang pagpatuloy ng public consultation sa Botolan, Zambales ukol sa diumano’y “gentleman’s agreement” nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping noong nakaraang administrasyon.

“Naiintindihan natin ang kanilang takot at pangamba,” ani Zambales 1st District Re. Jefferson Khonghun patungkol sa mga mangingisda.

Subalit, aniya, naniniwala siya sa kakayahan ng pamahalaan na protektahan “ang mga mangingisda na makapaglayag at makapangisda” sa Bajo de Masinloc.

Idinagdag ni Khonghun na kung tutuusin dapat hulihin ng Chinese Coast Guard ang kanilang sarili dahil sa sila ang lumabag sa soberanya ng Pilipinas.

Iminungkahi naman ng dating aktor at ngayon ay Laguna Congressman Dan Fernandez na kinakailangang magsama-sama ang lahat ng mangingisda at huwag magpasindak sa banta ng China.

Kanyang binigyang-diin na nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc na kilala rin sa tawag na Scarborough Shoal.

“Ipakita natin na matapang at mayabang tayo,” ani Fernandez.

Para naman kay Leyte 4th District Rep. Richard Gomez, iminungkahi niya na ipagpatuloy ang bilateral talks sa pagitan ng China at Pilipinas.
JUNEX DORONIO