MANGINGISDA SA BATANGAS MAY MASAYANG PASKO

NAPASAYA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagdiriwang ng kapaskuhan ng mga mangingisda at iba pang manggagawa sa impormal na sektor sa Batangas kung saan siya namigay ng iba’t ibang tulong pangkabuhayan mula sa gobyerno.

Kasabay ng tuloy tuloy na hakbangin upang mabigyang tulong ang mga manggagawang apektado ng COVID-19, namahagi si Labor Secretary Silvestre Bello III ng mga motorboat engine at iba pang uri ng tulong pangkabuhayan sa bayan ng Taal at Mataas na Kahoy.

Ayon kay Bello, pursigido ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mabigyan ng makabuluhan at masayang kapaskuhan ang mga manggagawa sa gitna ng umiiral na pandemya.

“Ang aking hiling ay maging masaya, masagana, at ligtas ang pagdiriwang ng kapaskuhan ng ating mga manggagawa,” wika ni Bello.

Sa Barangay Bugtong, Taal, 25 na motorboat engine ang handog ng DOLE upang mabigyang tulong ang 65 na mangingisda na naapektuhan ng pandemya.

Pinuri at pinasalamatan ni barangay chairman Romeo Tamayo si Bello dahil sa P750,000 na kabuuang halaga ng tulong na naibigay sa kanyang mga nasasakupan.

“Hindi agad nakakuha ng tulong mula sa national government ang aking mga kabarangay noong pumutok ang bulkang Taal at nang dumating ang pandemya. Ngayon lamang kami nakakuha ng tulong, at mula ito sa DOLE na pinamumunuan ni Secretary Bello,” wika ni Tamayo.

“Maraming salamat po Secretary Bello sa pag-alala sa amin,” dagdag pa niya.

Samantala, mayroong kabuuang P1.2 milyong pisong halaga ng tulong pangkabuhayan ang naipamahagi sa 40 benepisyaryo sa Mataas na Kahoy.

Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng ‘Nego-Karts’ o iba’t-ibang maliit na negosyo na nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa upang matulungan silang kumita sa gitna ng nararanasang krisis. PAUL ROLDAN