MANGINGISDANG NAPADPAD SA INDONESIA NAKAUWI NA

DUMATING sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 kamakailan ang isang Pilipinong mangingisda sakay ng Cebu Pacific flight mula sa Jakarta, Indonesia  matapos pigilin ng ilang  linggo sa nasabing bansa dahil sa iligal na pagpasok nito  nang mapadpad dahil sa malakas na alon.

Si Ulnario Capitan, 51 anyos, at tubong Jose Abad Santos, Davao Occidental  ay   nakauwi  sa bansa  sa tulong ng Philippine Embassy sa Jakarta.

Isinalaysay ni  Capitan  na  noong nakaraang Marso 26 ng taong kasalukuyan, umalis siya sa kanilang lugar upang manghuli ng isda sa may Caburan Sea sakop ng Davao Oriental  at  pauwi na siya nang biglang hampasin ng malaking alon ang kanyang maliit na bangka  hanggang sa ito ay mawasak.

Aniya, matapos mag­kagutay-gutay ang kanyang bangka, mga  galon at plastic coat ang kinapitan niya hanggang sa mapadpad siya sa karagatan ng Indonesia  at masagip ng mga mangingisdang Indonesian.

Sinabi ni Capitan, habang palutang-lutang siya sa karagatan ay tiniis niya ang gutom at wala siyang ibang ginawa  kundi ang magdasal para sa kanyang kaligtasan.

Sa tulong ng mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa Jakarta nakauwi si Capitan at binigyan ng libreng plane ticket. FROI M

Comments are closed.