(Mangingisdang pumapalaot dumarami) COAST GUARD NAGTAYO NG MGA COMMAND OBSERVATION POST

NAPAPANAHON ang ginawang pagtatayo ng Philippine Coast Guard (PCG) ng mga Command Observation Posts sa tatlong isla malapit sa West Philippine Sea (WPS) kasabay ng pagdami ng mga mangingisdang pumapalaot ngayon .

Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, ang mga outpost na inilagay sa Likas Island, Lawak Island, at Parola Island ay mapapalakas ng kanilang kapasidad sa pagsusulong ng maritime safety, maritime search and rescue, at marine environmental protection.

Nabatid na nagtatag rin ang Task Force Kaligtasan sa Karagatan ng PCG ng mga smart house at naglagay rin ng radio communications sa nasabing mga isla.

Sa ginanap na pagdiriwang ng ika- 124 taon ng Philippine Navy, inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na para mapalakas ang maritime and sovereign patrolling ng Pilipinas ay gagawin nilang katuwang ang PCG at maging ang Bureau of Fisheries and Aquatic resources kaya dapt din umanong isulong ang modernisasyon ng dalawang aahensiya ng susunod na administrasyon.

Inihayag ni Abu na ang paglalagay ng mga Command Observation Posts ay bahagi ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade bilang suporta sa maritime transportation at shipping industry sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ma­ritime safety at security.

Maging si National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at National Security Council Adviser, Secretary Hermogenes Esperon ay suportado ang mga nasabing hakbang ng coast guard.

Aniya, malaking tulong ito para mabigyan ng gabay ang domestic at international ships na dumaraan sa karagatan sakop ng Pilipinas.

Samantala patuloy naman ang nakikitang pagtaas ng presensya ng mga mangingisdang Filipino sa Pag-asa Island.

Sa kasagsagan ng deployment ng pinakamalaking barko ng Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS) mula Mayo 12 hanggang 14, natututukan nila na umabot sa 25 Filipino ang nangisda sa bisinidad ng nasabing karagatan.

Dahil umano sa pagpapalakas ng presensya ng PCG sa nasabing isla, napatunayang nadagdagan ang kumpiyansa ng mga mangingisda para sa kanilang kaligtasan. VERLIN RUIZ