MAHILIG ang marami sa atin sa smoothie. Dahil sa kahiligan natin sa iba’t ibang smoothie at juice, hindi rin mabilang ang mga tindahang nag-aalok nito.
Masarap nga naman ang smoothie at fresh juice sa kahit na anong panahon—lumuluha man ang langit o tirik ang araw.
At dahil mahilig ang marami sa atin, isa sa masarap subukan ang Mango and Carrot Smoothie. Napakadali lang din nitong gawin at puwedeng-puwede subukan sa bahay at ihanda sa buong pamilya.
Ang mga sangkap sa paggawa ng Mango and Carrot Smoothie ay ang tubig (250 ml) tatlong tasa ng frozen mango na hiniwa-hiwa ng pa-square at dalawang tasa ng fresh carrot juice.
Paraan ng paggawa:
Unang-una ay ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay ilagay ang lahat ng sangkap—tubig, frozen mango at fresh carrot juice—sa blender. I-blend ito hanggang sa maging smooth ang texture.
Kung hindi naman nakagawa ng fresh carrot juice at nagmamadali, puwede ring gamitin ang hiniwa-hiwang carrots.
Kapag naging smooth na ang texture ng mga sangkap, ilagay na ito sa baso. Puwede itong lagyan sa ibabaw ng mango chunks bago i-serve.
Matamis na ang carrots at mango kaya’t hindi na ito kailangan pang lagyan ng pampalasa. Pero kung nakukulangan kayo sa tamis nito, maaari rin namang lagyan ng kaunting honey.
Simpleng-simple nga lang naman ang paggawa ng Mango and Carrot Smoothie. Mainam din itong ihanda sa pamilya o bisita dahil sa mga benepisyong dulot nito sa katawan.
Kagaya na nga lang ng carrots. Nagtataglay ito ng antioxidants. Mayroon din itong Vitamin A na nakatutulong upang maiwasan ang panlalabo ng mata.
Ang kagandahan pa, available sa kahit na anong panahon ang carrots kaya’t anumang oras gustuhing gumawa ng carrots juice o shake ay puwedeng-puwede.
Samantalang ang mango naman ay low-calorie na mataas ang taglay na fiber. Mayaman din ito sa Vitamin A at Vitamin C. Naglalaman din ang mango ng folate, Vitamin B6, iron, calcium, zinc at vitamin E. Good source rin ito ng antioxidants.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa benepisyong dulot ng mango at carrots. Kaya’t next time na naghahanap kayo ng puwedeng gawing shake o juice, subukan na ang mga nabanggit na prutas. (photos mula sa peanutbutterandpeppers.com at holycrap.com)
Comments are closed.