MANHUNT OPERATION SA MGA PINALAYA SA GCTA SINUSPINDE

Menardo Guevarra

PANSAMANTALANG sinuspinde ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang operasyon sa muling pag-aresto sa mga hindi sumukong convicts na pina­laya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ito ay makaraang ihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hiniling na niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan ang Philippine National Police (PNP) na itigil muna ang manhunt at muling pag-aresto sa mga hindi pa sumusukong convicts na nakalaya nang dahil sa GCTA.

Dahil dito, agad na tumalima si NCRPO director Police Major General Guillermo Eleazar at kanilang sinuspinde na muna ang muling pag-aresto sa mga convict na hindi sumuko matapos ang ibinigay na deadline ni Pangulong Duterte dahil sa kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na kinakailangan pa nilang linisin ang kanilang opisyal na listahan ng mga napalayang convict na isinumite sa kanila ng Bureau of Corrections (Bu-Cor).

Pahayag pa ni Eleazar na matapos na sila ay maabisuhan ng kahilingan ng DOJ ay agad niyang sinabihan ang kanilang binuong tracker team na pansamantalang isuspinde ang kanilang opersayon sa 170 GCTA convicts na napalaya at kasalukuyan ngayong naninirahan sa Metro Manila.

Binigyang diin din ni Elea­zar na kahit na pansamantalang nasuspinde ang kanilang operas­yon dahil sa kahilingan ng DOJ siya ay inatasan na magsagawa ng monitoring sa 170 GCTA convicts na nasa Metro Manila.

“Ako po ay tumawag na rin sa ating Director for Operations ng PNP at while waiting for the official guidance, ay suspended po muna ang atin pong mga tracker teams na sa ngayo’y nasa labas at naka-continue to monitor kasi sa ngayon po mayroon pa kaming 170 na nasa listahan na ang address ay Metro Manila,” ayon kay Eleazar.

Sa pahayag ng NCRPO na simula ng matapos ang deadline na binigay ni Pangulong Duterte sila ay may naarestong apat na convicts na napalaya dahil sa GCTA

“Isa sa Makati, isa sa Muntinlupa, dalawa sa Maynila. A total of four arrested ito pong mga na-release na PDL (persons deprived of liberty) na pare-parehong kasong mga rape cases,” pahayag ni Eleazar.

Ang apat na nahuling convicts ay pansamantalang mananatili sa kustodiya ng pulisya.

“Hawak natin sila ngayon but we will just wait for further guidelines,” ayon kay Eleazar.

Ayon naman kay Justice Spokesperson Usec. Markk Perete, may mga pagkakamali kasi sa listahan na isinumite ng BuCor ng mga presong nakalaya nang dahil sa GCTA.

Ani Perete, sa kanilang pagsusuri ay umabot sa 40 bilanggo ang nakasama sa listahan pero hindi dapat naroroon.

Ang 40 kasing ito ay hindi naman nag-avail ng GCTA at sa halip ay napagkalooban sila ng pardon.

Samantala, dalawang inmates na kabilang sa napalaya sa bisa ng GCTA law ang inaresto sa magkahiwalay na manhunt operation sa Muntinlupa at Makati City kahapon ng madaling araw.

Nakatakdang i-turnover sa Bureau of Corrections (BuCor) ng Muntinlupa City police ang inmate na si Cesar Pingco, na nahuli dakong 3:30 ng mada­ling araw ng Muntinlupa City Police Intelligence Task Force  sa #1041 Santo Nino St., Brgy. Poblacion, Muntilupa city.

Si Pingco ay nabigong sumuko sa deadline na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga napalaya ng BuCor  na may kasong heinous crime sa bisa ng GCTA law.

Sa Makati City, dakong 3:00 ng madaling araw ay nadakip din ang inmate na si Ernesto Zaldivar, 64, sa tinitirhan nito sa #3016 Aguinaldo St., Brgy. South Cembo, Makati City.

Napag-alaman na si Zaldivar ay nahatulan noong Agosto 1,  2006 sa Makati City RTC, Branch 60 sa kasong rape at napalaya ito ng BuCor dahil sa GCTA law noong Mayo 23,  2016 mula sa Iwahig penal farm sa Palawan.

Isang inmate naman ang  boluntaryong  sumuko sa Las Piñas City Police na kabilang din sa napalaya ng GCTA law.

Kinilala ang inmate na si Paul Rico Tagle, 34, residente ng Tabing Dagat, Brgy. Talaba 2 Bacoor Cavite. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.