MANHUNT OPERATION VS NEW ZEALANDER ASSAILANT

AGAD na ipinag-utos ng NCRPO Director MGen. Jonnel C Estomo ang agarang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon at intensive manhunt operation upang mabatid ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek na sangkot sa insidente ng pamamaril sa isang dayuhan na New Zealander na naganap noong Pebrero 19 ng madaling araw sa kahabaan ng Filmore Street, Brgy. Palanan, Makati City.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni Estomo, isinalaysay ng testigo na kinilalang si Pamela Gaye Villanoza y Solis, girlfriend ng biktima na habang naglalakad sila sa kahabaan ng Filmore Street, Brgy. Palanan, Makati City ay isang color gray/black na Yamaha NMAX motorcycle na may plate number 001111 ang biglang huminto sa kanilang.

Bumaba ang back rider, tinutukan ng baril ang saksi at nagdeklara ng hold-up habang ipinarada ng rider ang nasabing motorsiklo ilang metro ang layo.

Sa pagkakataong iyon, pumagitna ang biktimang si Nicholas Peter Stacey, 34-anyos at sinubukang agawin ang baril ng suspek ngunit binaril ito na nauwi sa kanyang agarang kamatayan sanhi ng tama sa kaliwang dibdib.

Ang cellphone at wallet ng saksi ay kinuha ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at agad na tumakas patungo sa direksyon ng Pasay City.

Ang mga suspek ay nakasuot ng itim na t-shirt at gray na short pants na may half-face helmet at nakasuot ng itim na t-shirt at jersey shorts, kulay pula, walang helmet at may face mask.

“We regret to report this incident and extend our sympathy to the bereaved family. Inatasan ko na ang Makati City Police Station para sa masusing imbestigasyon at siguraduhing mahuhuli ang mga nasabing suspek na sangkot sa nangyaring holdapan at pamamaril na ito sa biktima. Pinaigting pa natin ang police visibility sa nasabing lugar upang maiwasan na mangyari muli ang ganitong krimen,” ani Estomo.

“Alam nating ang insidenteng ito ay maaaring magdulot at magdala ng takot sa ibang mga turistang pupunta sa ating bansa kung kaya’t sisiguraduhin nating mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nasabing biktima at ipakita ang pulisya ng NCRPO ay palaging nakahanda na magserbisyo hindi lamang. sa ating mga kababayan kundi pati na rin sa mga dayuhan na bumibisita dito sa ating bansa,” dagdag pa nito. EVELYN GARCIA