SULU- TARGET ngayon ng manhunt operation ang isang lider ng Abu Sayyaf group matapos na makatakas sa isinagawang law enforcement operation ng pulis at militar na ikinasawi ng pitong terorista na sangkot sa pananambang at pagpatay sa Sulu Police Provincial Director may ilang taon na ang nakalipas.
Batay sa ulat, napatay ng militar at PNP-Special Action Force at PNP Criminal Investigation and Detection Group ang pitong kilabot na miyembro ng ASG sa Kapuk Pungol, Parang, Sulu nitong nakalipas na Linggo na sinasabing sangkot din sa pananambang sa isang pangkat ng Philippine Marines na ikinasawi ng isang sundalo .
Subalit, nakatakas sa gitna ng matinding sagupaan si Alganer Dahim na kasama ni Juko Dahim na siyang target ng law enforcement operation.
Ang pitong napatay kabilang si Juko Dahim, ay supporters ng napaslang na si Abu Sayyaf kidnap-for-ransom sub-leader Majan Sahidjuan (alias Apo Mike), na sinasabing sangkot din sa cross-border kidnappings sa Sabah, Malaysian Borneo.
Base sa ibinahaging report ng Army 41st Infantry Battalion na sumuporta sa PNP Special Action Force sa Maimbung, law enforcement operation, napatay sa sagupaan sina Juko Dahim , Al Dimar Kanih; Gamil Halik; Malik Iron; Jimming Akial, a.k.a. Iron; anak ni Iron; at Norhan Pasi. Dalawa naman ang nadakip habang nakatakas si Alganer Dahim.
Sa isinagawang clearing operation sa encounter site ay na-recover ng mga sundalo ang isang M16 BA Colt, isang M16 Elisco, isang Colt M16, isang Cal. Multi MDST 15, isang M203 Grenade Launcher, isang Colt AR 15, tatlong M14 7.62; at iba’t ibang bala.
Pahayag ni Major Dominador Mauricio, commander ng 7th Action Battalion of the Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), ang grupong napaslang ay sangkot sa May 7, 2009 ambush killing sa Sulu police provincial director Senior Superintendent Julasirim Kasim sa Bato Ugis, bayan ng Maimbung. VERLIN RUIZ