KAHIT may kumukuwestiyon sa legalidad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at sa legalidad ng pagbawi nito sa mga nabiyayaan na ay nagpapatuloy pa rin ang manhunt operation sa mga nakasama sa listahan subalit bigong sumuko, makaraang magwakas ang 15 days ultimatum ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nabatid na patuloy na tinitiktikan ng 106 na binuong tracker team ng Philippine National Police ang kinaroroonan ng mga ex-convict o Person Deprived of Liberty na hindi nakatugon sa 15-day deadline ng Pangulong Duterte.
Matapos ang nasabing ultimatum ay may limang convicts na napalaya dahil sa GCTA, ang naaresto ng tracker teams ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nahuli ang limang convicts sa operasyon ng NCRPO tracker teams mula sa 26 police stations sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO chief Major General Guillermo Eleazar, naaresto sina Ernesto Zaldivar, 64 anyos na nakulong dahil sa kasong rape at nahuli sa bahay nito sa Makati; Rolando Cano, 46 anyos na may kasong rape at naaresto sa Maynila; Jose Lozada, 72 anyos na may kasong rape at naaresto sa Maynila; Cezar Pingco, 22 anyos na may kasong rape at naaresto sa Muntinlupa; at Bonifacio Domingo, 49 anyos na may kasong qualified rape at naaresto sa Bulacan.
Napag-alamang ang lima ay maling napalaya dahil sa GCTA law at hindi sumuko hanggang matapos ang deadline nitong Setyembre 19.
Kasama ang mga ito sa natitirang 176 convicts na itinuturing ng pugante dahil sa kabiguang sumuko at ngayon ay subject ng warrantless arrest.
Binuo ni Eleazar ang tracker teams para tugisin ang mga napalayang convict. VERLIN RUIZ
Comments are closed.