ISANG ‘manhunt operation’ ang ikinasa ng binuong special task force laban sa grupong nasa likod ng panliligalig sa top officials ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, umabot na sa 21 ang naging biktima ng sindikato na armado umano ng matataas na kalibre ng baril.
Sunod-sunod umano ang panloloob at pagdukot sa mga biktima na pawang opisyal ng BIR.
Sinabi ng source na bagama’t wala ni isang complainant ang lumutang dahil sa takot na sila’y balikan at idamay ang kanilang mga pamilya, pinakilos ang nasabing special task force para tugisin ang nasabing grupo at maresolba ang kontrobersiyal na kaso.
Bagama’t kumikilos na ang naturang special task force, sinabi ng source na kusa namang nag-armas ang ilang revenue executives at ang iba ay kumuha ng private bodyguards para protektahan ang kanilang sarili at upang hindi maapektuhan ang pangongolekta ng buwis ng ahensiya.
Ang pinakahuling biktima, ayon sa source, ay dinukot nito lamang nakaraang linggo at mabilis ding pinatubos sa mga kaanak. Ang biktima ay pinasok umano mismo sa kanyang tahanan sa Karangalan Village sa Cainta, Rizal.
Nasundan ito ng pagdukot sa isa pang umano’y opisyal ng BIR na nakatalaga sa BIR Makati City.
Nagkusa na umano ang mga opisyal ng BIR na armasan ang kanilang sarili para makalaban sila nang sabayan sa sindikato.
Sinabi ng isang revenue district officer na naka-assign sa BIR Quezon City na kailangan nilang maging matapang sa panahong ito, lalo na kung ang pinipinsala ay ang koleksiyon ng buwis na pangunahing pinagkukunan ng pondo para sa iba’t ibang proyekto at programa ng pamahalaan.
“Hindi kami basta na lamang matatakot sa sinumang elemento na gustong guluhin ang koleksiyon sa buwis dahil sa pananakot at pagbabanta. Nandito kami at kaya naming itaya ang buhay namin para sa bayan,” pahayag ng naturang RDO na ayaw ipabanggit ang pangalan.
Nagsuot na rin ng ‘bullet proof’ ang ilang BIR execs, ayon pa sa nasabing RDO, at kailangan na rin nilang gumamit ng sariling private bodyguards bilang proteksiyon sa sarili at sa kanilang pamilya.
Si QC-North RDO Teddy Huelba at tatlo nitong group supervisors ay pinadalhan naman umano ng sulat na naglalaman ng mga bala ng baril. Bawat isa sa apat na bala ay nakasulat ang pangalan ng RDO at ng kanyang group supervisors. Bago pinadalhan ng sulat si RDO Huelba, isa pang group supervisor nito na nakilala sa alyas na ‘Edizon’ ang pinadalhan naman ng bulaklak ng patay.
Ilan sa mga naging biktima ng ‘kidnap-robbery sindicate’ ay kinilala lamang sa mga alyas na ‘Dante’, ‘Rene’ at ‘Grace’ mula sa San Pablo City, Angeles City at San Fernando, Pampanga habang walang detalye sa pagkakakilanlan ng dalawang iba pa na mula naman sa Makati City.
Dalawa namang RDOs ang kinumpirmang nagbitiw na sa puwesto sa takot na madamay ang kanilang pamilya. Sila ay ang mga RDOs ng BIR Marikina City at BIR Mandaluyong City.
Ilan pa sa naging biktima ng sindikato, ayon sa source, ay pinangalanan lamang sa mga alyas na ‘Espiritu’, ’Mariquit’, ‘Cesar’, ‘Combs’, ‘Inday’, ‘Cory’ at iba pa.
Isa pang alyas ‘Dennis’, examiner na nakatalaga sa Cainta Revenue District Office ang diumano’y dinukot din ng mga armadong lalaki at hindi na ito nakita pang muli.
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.