MANILA, BACOOR RUMESBAK SA MPBL

MAAGANG nakabawi ang Manila at Bacoor mula sa natamong kabiguan sa opening match nang kapwa dominahin ang kani-kanilang karibal sa pagpapatuloy ng 2021 Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational elimination nitong Lunes sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinataob ng Manila Stars ang EMKAI-Rizal Xentro Mall, 89-59, habang dinispatsa  ng  Bacoor ang Caloocan, 72-50.

“It’s a relatively young team and siguro everybody was excited yesterday. We had a chance to win yesterday but we were able to build momentum from yesterday,” pahayag ni Manila coach Cholo Villanueva, patungkol sa dikitang 77-80 kabiguan ng Manila laban sa Mindoro nitong Linggo.

Pinangunahan nina Dan Sara at special guest player Brent Paraiso ang ratsada ng Big City sa naiskor na tig-8 puntos sa firs period para sa maagang dominasyon na 24-11 bentahe. Naisara ng Manila ang halftime sa 47-24.

“We just set our composure. With Carlo Lastimosa out, we need to have the next man up para makuha namin ‘yung goal namin today,” sambit ni Sara, nagtumpok ng kabuuang 16 puntos, tampok ang dalawang three-pointer. “We also had to make a statement.”

“It’s a short tournAment so we need to look at the film and see the mistakes that we are making,” pahayag ni Villanueva. “It’s a different animal each game, so we have to study them and be ready to compete.”

Kumubra si John Rey Villanueva ng 14 puntos, 5 rebounds, 4 assists, at 2 steals para sa Stars, habang kumana si Paraiso ng 13 puntos.

Nanguna si Laurenz Victoria sa Golden Coolers na may 13 puntos.

Sunod na makakaharap ng Manila ang GenSan sa Miyerkoles, alas-5 ng hapon, habang magtutuos ang Caloocan at Negros Martes ng tanghali.

Samantala, naitala ng Bacoor ang panalo, sa pangunguna ni Jerome Garcia, bokya sa laro sa kabiguan sa Bacolod, 71-73, nitong Linggo, na tumipa ng 29 puntos.

Mapapalaban ang Bacoor sa Pasig sa Miyerkoles, alas-7:30 ng gabi, habang sasagupain ng Caloocan ang wala pang panalong Negros Martes ng tanghali.

Nitong Linggo, naisalba ng Bacolod ang hataw ng Negros sa krusyal na sandali para maitakas ang 68-67 panalo at makopo ang liderato sa Pool A ng torneo na may basbas ng Games and Amusements Board (GAB).

Ginapi naman ng Bicol-LCC Malls ang Laguna, 80-68. EDWIN ROLLON

Iskor:

(Unang laro)

Manila (89) – Sara 16, Villanueva 14, Paraiso 13, Cruz 12, Mangahas 11, Dyke 8, Ambulodto 6, Battaller 5, Asuncion 2, Importante 2, Baltazar 0, Lopez 0.

Rizal (59) – Victoria 13, Celada 10, Serrano 8, Benitez 6, Sunga 5, Acibar 5, Rios 4, Pretta 3, Dela Cruz 3, Melegrito 1, Vasallo 1, Saret 0.

QS: 24-11, 47-24, 58-50, 89-59.

(Ikalawang laro)

Bacoor (72) – Garcia 26, Albo 13, Castro 9, Doligon 6, Acidre 6, Canon 5, Galicia 3, Galit 2, Raymundo 2, Quilatan 0, Acuña 0, Malabag 0

Caloocan (50) – Javillonar 17, Mabayo 13, Peñaredondo 9, Labing-isa 6, Matias 3, Abastillas 2, Pacquiao 0, Gil 0, Lasco 0, Raflores 0, Santos 0, Rosagas 0

QS: 17-16, 40-21, 60-30, 72-50