MANILA BILANG GREEN CITY

Isko Moreno

BINABALAK na ng lokal na pamahalaan ng Maynila na ga­wing ‘Green City’ o environment friendly at mas payabungin pa ang kalinisan, at kaa­yusan sa lungsod upang mas maging kaaya-aya at maging modelo ng iba pang komunidad.

Ginawa ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pahayag kasunod ng pagbisita ni Malaysian Ambassador H.E. Norman Bin Muhamad sa alkalde.

Naghayag ng kahandaan ang Malaysia na makipagtulungan sa Maynila kung anuman ang kailanganin nito.

Binanggit naman ni Moreno ang muling pag-introduce ng culture and arts sa lungsod para ipaalala sa mga kabataan ang kulturang kanilang kinabibila­ngan.

Samantala, tiniyak naman ni Ambassador Muhamad na ginagawa ng Malaysian government ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng lahat, partikular ng mga Filipinong nagtatrabaho doon matapos umabot sa kanilang bansa ang haze o usok mula sa nasusunog na gubat sa Indonesia.

May mga sapat rin aniyang gamit at kakayahan ang pamahalaan ng Malaysia upang aksiyunan at agad na resolbahin ang nasabing insidente.

Sa kabilang dako, patuloy ang clearing operations ng Manila Department of Public Service, Manila Department of Public Works at ilan pang tauhan ng city hall sa Moriones, Tondo, Maynila, at iba pang bahagi ng lungsod upang tuluyang malinis at maibalik ang ganda ng binabalak gawing Green City.

Dumating din ang alkalde para mag-inspeksiyon at saksihan ang paglilinis ng kalsada.

Dismayado si Moreno sa bumungad sa kanya na center island na ginawa nang tambakan ng kung ano-ano, kahit mga panabong na manok, may duyan at mga kariton.

Agad rin namang binaklas ang mga bakod, pati tent ng fire volunteer, giniba ang container van na ginawang barracks ng mga trabahador ng isang contractor.

Pinatawag ng Mayor ang Chairman ng Barangay 123, Zone 9, na si Mario Banal, at pinagsabihan na linisin ang nasasakupan nito dahil kung hindi ay pananagutin ito. PAUL ROLDAN

Comments are closed.