TODO papuri si Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua kay PBA commissioner Willie Marcial sa pangangasiwa nito sa matagumpay na PBA Season 45 bubble play sa Clark, Pampanga.
“Ang hirap non, pero nairaos ni Commissioner Willie,” wika ni Chua, kasabay ng pagsaludo sa league chieftain na pinamunuan ang PBA sa harap ng mapanghamong sitwasyon dulot ng COVID-19 pandemic.
Matapos ang matagumpay na Clark setup na tinulungang mailatag ng Clark Development Corp. kasunod ng pag-apruba ng IATF, isinusulong ngayon ni Chua ang pagdaraos ng bubble sa Manila.
Itinutulak ng Gin Kings top honcho, concurrent sports chief ng San Miguel Corp., na laruin ang PBA Season 46 sa Smart Araneta Coliseum sa Abril.
Target ng PBA board na buksan ang season sa Abtil 9, ang petsa kung kailan unang isinagawa ang laro sa PBA (Abril 9, 1975) tampok ang laban ng Mariwasa at Concepcion Carrier.
“Kung nagawa ang Clark bubble, puwede rin ang Manila bubble,” sabi ni Chua.
Suballt mas madaling makapagdedesisyon ang liga kapag dumating na sa bansa ang COVID-19 vaccine sa Pebrero o Marso.
Kung walang bakuna, pabor si Chua sa anumang uri ng bubble concept sa Big Dome o maging sa mas maliit na venue sa Metro Manila.
Aprub din sa kanya ang closed circuit kung saan ang mga player ay mahigpit na susunod sa home-venue-home routine.
“Nakalabas na sila sa bubble, naranasan na nila ulit sa labas, so sa tingin ko mahirap nang ibalik ulit sila sa strict bubble,” dagdag pa ni Chua.
Comments are closed.