MANILA CATHEDRAL BILANG VACCINATION SITE

INALOK ni Manila Archdiocese apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo ang Manila Cathedral sa Intramuros, Manila upang maging isa sa mga COVID-19 vaccination sites ng Manila City government.

Sa pulong na isinagawa kahapon sa pagitan nina Pabillo, Manila Mayor Isko Moreno kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna, Fr. Marthy Marcelo at Fr. Jun Abogado sa Pope Francis Hall ng Manila Cathedral, nagpahayag din ang mga lider ng simbahan ng suporta sa vaccination plan ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Pabillo kay Moreno na ang Manila Cathedral ay maaaring gamiting vaccination site mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon tuwing weekdays.

Dahil dito, pinasalamatan ng alkalde si Pabillo at mga lider ng simbahan sa naging alok.

“We thank Bishop Pabillo and the leaders of the Church for offering us the cathedral as a vaccination site. Napakahalaga nito because we need inoculation spaces,” anang alkalde.

“Meron na ang Maynila, pero it’s good to have more options so we can ensure the efficiency of the process and the convenience of the people,” dagdag pa nito.

Aniya, sa ngayon ay isasama na ng lokal na pamahalaan ang Manila Cathedral sa vaccination roadmap ng lungsod.

At sa sandaling matanggap na ng Manila City government ang COVID-19 vaccines na inaprubahan at inawtorisa ng gobyerno ay uunahing babakunahan ang medical frontliners sa loob lamang ng tatlong araw.

Kasunod nito, ang iba pang priority groups gaya ng senior citizens at vulnerable sectors tulad ng informal settler families (ISFs).

Kasabay nito, pinuri rin ni Pabillo ang vaccination plan ng city government lalo na at iniaalok nitong libreng bakuna para sa mga residente.

“Ako’y humahanga rin na may plano na ang city para magbigay ng vaccination na libre sa mga taga-Maynila. Ito po ay isang magandang development at makakaasa po tayo dito,” pahayag pa ni Pabillo.

Hinikayat rin nito ang mga Manilenyo na huwag matakot na magpabakuna dahil malaking tulong ito upang makaiwas sa matinding epekto ng COVID-19.

“Sana po ang mga tao ay huwag po matakot sa vaccination, sa vaccine, dahil ito ay makakatulong po sa atin upang makaiwas po at mapalakas ang ating sarili at hindi tayo masyadong ma-infect ng sakit na ito,” sabi ni Pabillo.

Sinabi pa nito, maaari ring gawing vaccination sites ng Manila City government ang Catholic schools. VERLIN RUIZ

Comments are closed.