ANG isulong ang bansa sa pamamagitan ng sports tourism ang pangunahing layunin ng nalalapit na Samsung Galaxy Watch Manila Marathon at Cebu Half-Marathon.
Sinabi ni Rio dela Cruz ng RunRio, ang main organizer, sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex na ang dalawang events ay dapat magbigay ng benepisyo sa turismo at kasabay nito ay magsilbing flagship running event ng bansa.
“May impact sa tourism. When you look at other countries they have the Bangkok Marathon then they have one in Ho Chih Minh, Kuala Lumpur and Singapore. We hope to make this the flagship marathon in the Philippines,” sabi ni Dela Cruz.
Ang Manila Marathon ay idaraos sa Oct. 6 at batay sa plano ay sasakupin ang mga lungsod ng Pasay, Paranaque, Manila, Makati at kung kakailanganin ay Taguig. Ang mga karera sa 5K, 10K, 21k at 42K ay magsisimula at magtatapos sa Mall of Asia grounds.
“We want these races to be as big as they can,” ani Dela Cruz sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang nangungunang sports entertainment sa bansa..
Ang Cebu Half-Marathon ay nakatakda sa Nov. 24 at susundan ng stops sa Baguio, Clark, Bataan, Manila, Legazpi, Cebu, Iloilo, Davao, Cagayan de Oro at Dapital.
Nakataya ang mga medalya para sa bawat leg, at ang runners na tatakbo sa lahat ng legs ay tatanggap ng medalya na naka-craft dito ang lahat ng legs.
Sinabi ni Dela Cruz na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Tourism at umaasa para sa mas malakas na ugnayan sa iba’t ibang local government units at kalaunan ay sa Philippine Sports Commission.
“Sana makasama natin sila sa program. And once okay na (the two events), mas madali na i-promote sa partners,” dagdag ni Dela Cruz.
“We are here to promote the Philippines,” sabi ni Dela Cruz, idinagdag na sa kasalukuyan ay may 4,000 runners na ang nagparehistro para sa Manila Marathon.
“We are on target,” aniya.
CLYDE MARIANO